Pagwagian ang tukso!
Unang linggo ng Kuwaresma
Mt. 4: 1 - 11
Mapagnilayan lamang natin ang diwa ng tukso, mapagwawagian na natin ito. Ngunit ang mas mahalaga, dahil napagwagian na ito ni Kristo, siya rin ang ating takbuhan twing tayo'y natutukso. Anu-ano ang mga tukso ng ating buhay na kailangan nating mapagwagian?Una, ang tukso ng pagkain at yaman
Sinabi ni Hesus, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay an tao, kundi sa Salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.” Maaaring pagkain at kayamanan ang bumubuhay sa ating katawan, ngunit ang mga ito’y kasangkapan lamang sa tunay nating dapat tanggapin, ang Salita ng Diyos na nagbibigay-buhay sa ating isip, puso, at kaluluwa.Ikalawa, ang tukso ng kapangyarihan
“Magpatihulog ka upang iligtas ka ng mga anghel,” tukso ng diyablo. Sagot ni Hesus, “Hindi mo ilalagay sa pagsubok ang Panginoong Diyos.”Oo, may kapangyarihan si Hesus bilang Anak ng Diyos, ngunit ito’y ginamit upang paglingkuran ang tao. Wika ni Hesus, “Gayon din naman ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang buhay na pangtubos sa marami.” (Mat. 25: 28)
Ikatlo, tukso ng pagsamba sa sarili
Ang ikatlong tukso ang pinakamatindi sa lahat, ang sambahin ang sarili. Ngunit sigaw ni Hesus, “Lumayo ka, Satanas, nakasulat, ‘Ang Panginoong mong Diyos ang iyong sasambahin. Siya lang ang iyong palilingkuran.’”Kapag dumating na ang mga sandali na tila wala na tayong panahon sa paglililingkod sa Diyos, nawa’y matauhan tayo kung ano o sino ang dinudiyos natin, magsisi, at magpanumbalik sa Diyos. Aapaw muli ang biyaya sa atin.
Comments
Post a Comment