Buhay Kabanalan
Ika-6 Linggo ng Karaniwang panahon
Mk. 5: 38 - 48
Sa Ebanghelyo, pinalalalim ni Hesus ang bawat pagkakaintindi ng tao ukol sa pagsunod sa batas ng Diyos: “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa.”
Sa ating kapanahunan, kapag ang isang tao’y banal, tila siya’y kakaiba at hindi nakikiayon sa nakararami. Katanggap-tanggap sa kultura natin na “tayo’y tao lamang”. Dalawa ang bunga ng pananaw na ito: una, maaaring maisip na hindi na maaaring maging banal ang tao; ikalawa, kung sakaling siya’y banal, tila likas siyang banal at nanggaling sa isang banal na pamilya. Sa dalawang halimbawang ito, nawawala ang isa at pinakamahalagang sangkap ng buhay-kabanalan - ang Diyos ang pinagmulan at patutunguhan ng buhay - kabanalan. Paano natin maisasabuhay ang tunay na kabanalan?
Una, ang kabanala’y galing sa Diyos Ama
Tayong lahat ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis. Ang pinag-ugatan nati’y hindi kasalanan kundi ang Diyos na ganap sa kabanalan. Kaya’t napakalubha ng kalagayang sinasapit ng sangkatauhan sanhi ng hindi pagsunod ng ating unang mga magulang. Ngunit hindi nagtatapos sa kamatayan ang poot ng Diyos sa atin.
Ikalawa, ang kabanala’y pinanumbalik ng pag-ibig ni Kristo
Pinanumbalik ni Hesus ang kaugnayan natin sa Ama sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay. Ginawa niya ang lahat ng ito bilang pagtalima niya sa kalooban ng Ama. Sa pamamagitan nito, pinatunayan niya sa atin na kahit sa ating kalagayan bilang tao, ang buhay na banal ay posibleng-posible sa pamamagitan ng pag-ibig na iniukol niya sa atin.
Ikatlo, ang kabanala’y pinagaganap ng Espiritu Santo
Ang Espiritu Santo ang nagpapaganap sa kabanalan ng bawat Kristiyanong naghahangad na purihin at paglingkuran ang Makapangyarihang Diyos. Tunay ang nakasaad sa Aklat ni Heremias: “Isusulat ang batas sa inyong mga puso.” (Her. 31: 33)
Ang buhay-kabanalan ay proseso ng pagiging ganap sa pag-ibig na nagbubuklod sa atin sa Diyos.
MAGBAHAGI
Sa paanong paraan ko naisabuhay ang kalooban ni Kristo? Anong mga programang pangkapitbahayan ang magagawa natin upang magsimula ang proseso ng kabanalan ng ating kawan?
Pinagkunan: BIBLIARASAL, TAON A
Mabibili sa St. Paul's Bookstore
Comments
Post a Comment