Buhay na pananampalataya

Ika-5 Linggo ng karaniwang panahon

MATEO 5:13-16


Kung matutupad lamang natin ang mga nakasaad sa mga pagbasa, walang maghihirap sa ating kapwa.  Ngunit bakit hindi natutupad ito?  Ang sanhi ay nasa kawalan ng kalidad ng pagsasabuhay ng ating pananampalataya.
Saad ni Santiago, “Ang pananampalatayang walang gawa ay patay.”  (Santiago 2: 17)  Kung ang pananaw natin sa pananampalataya ay pagbabasbas lamang at hindi lumalabas sa apat na sulok ng simbahan, at kung tayo’y nananalangin ngunit wala naman tayong ginagawa, walang saysay ang pananampalataya natin.
Sa ebanghelyo, hinanamon tayo ni Hesus na maging asin ng lupa at liwanag ng mundo.  Magagawa lamang natin ito kung tayo’y puspos ng Espiritu Santo, may matibay na pananampalataya na nakikita sa ating mga salita at gawa sa ikababago ng buhay natin at ng ating kapwa.
Ang pananampalataya’y natututunan, isinasabuhay, at nakapagbubuo ng komunidad.  Iyan ang mensahe ng mga Obispo ng Pilipinas sa Taon ng mga Laiko noong 2014, “Called to be saints; sent forth as heroes”.

Pananampalatayang natututunan

Ang ibig sabihin ng pananampalatayang natututunan ay natatagpuan ang kaugnayan nito sa konkretong buhay, simula sa sampung utos ng Diyos.  Ang bibliyang binabasa natin ay nakikipag-usap sa panahong kasalukuyan.  Ang pagdasal ng rosaryo’y naghahamon sa ating isabuhay si Kristo sa ating pang-araw-araw na buhay.

Pananampalatayang isinasabuhay

Ang “Isabuhay ang pananampalataya” ay nangangahulugang may kinalaman ang pananampalataya sa kaliit-liitang desisyon at galaw sa ating buhay.  Hinahamon tayong lahat na mapagnilayan kung tayo pa ba’y tapat pa sa mga tinuro ng ating Panginoon o hindi na.

Pananampalatayang nakabubuo ng komunidad

Ang “Magtatag ng mga komunidad ng mga mananampalataya” ay nangangahulugang magbuo tayo ng mga komunidad na nagkakaisa sa pananaw, mithiin, at paglalakbay sa pananampalataya.  Sadyang tinatag ng Panginoon ang Simbahan upang daluyan ng Kanyang grasya ang bawat taong nais siyang paglingkuran tungo sa ikaliligtas ng kapwa.  Sa Simbahang ito makikita ang mismong mukha ni Kristo, sa atin at sa ating mga pinaglilingkuran.

MAGBAHAGI
Kailan ko huling isinabuhay ang aking pananampalataya?  Sa paanong paraan ko pinakikita ang mukha ni Kristo sa aking kapwa?

Hango sa Aklat na Bibliarasal, Taon A
Available sa mga St. Pauls Bookstore

Comments

Popular posts from this blog

Manalangin lagi, huwag manghinawa

Buhay Kabanalan