Osana!
Linggo ng Palaspas
Luke 19:28-40, Luke 22:14-23:56
May dalawang mukha ang ating pagdiriwang ngayong Linggo ng Palaspas ngunit iisa lamang ang sinasabi.Ang una'y ang pagsigaw ng mga tao ng "Osana sa Anak ni Dabid!" Ang kahulugan ng Osana'y "Nagliligtas ang Diyos!" Sinabi ni Jesus na hindi mapipigilan ang sigaw na ito, na kahit bato'y makikisama sa pagsigaw.
Ngunit ang ikalawa'y ang pagsigaw ng "Ipako siya sa krus!" tanda ng pagtatwa kay Hesus.
Dalawang magkaibang sigaw ngunit isa lamang ang sinasabi - ang lahat ng ito'y pagganap sa kalooban ng Diyos. Di mapipigilan ang pagsigaw ng "Osana!" dahil mismong ang Espiritu'y nag-uudyok sa lahat, kahit mga bato, na gawin ang nais ng Panginoon, ang siya'y purihin at sambahan.
Sa ebanghelyo, natakluban ng lahat ng karahasan ng tao ang nag-uumapaw na pag-ibig ni Kristo at ang hindi mapipigilang pagganap niya ng ikasisiya ng kanyang Ama - ang ikaliligtas ng lahat ng mga nagkasalang mga anak ng Diyos. Humihiyaw ba ang ating puso sa pagpupuri sa Diyos?
Una, sa pananalangin
Ang lahat ng ating panalangin, personal at pangkalahatan, ay tanda ng ating pag-ibig at pitagan sa Diyos. Tulad ng Eukaristiya na naroon ang tunay ng presenya ng Diyos, maging buhay tayo sa pagharap sa ating Panginoon.
Ikalawa, sa pakikipag-ugnayan sa Diyos
Sabi ni Sta. Teresa de Avila, "Hindi mapapahinga ang aking puso hanggat hindi ito mapapahinga sa iyo." Gaano kabuhay sa atin ang pananalitang ito? Di ba naririnig din natin sa mga magsing-ibig, "Kung wala ka sa aking piling, ako'y mamamatay." Kung wala ang Diyos sa ating piling, änong buhay mayroon tayo?
Ikatlo, sa pagsunod sa kalooban ng Diyos
Si San Pablo'y nagpahayag din ng ganitong sentimyento, "Kawawa ako kung hindi ko maipapatutupad ang kanyang kalooban!" Ang pagganap sa kalooban ng Ama ang siyang pinakakahulugan ng ating buhay!
Ang lahat ng mga ito'y humihiyaw sa ating kalooban, at hindi tayo mapapahinga hanggang sa matagpuan natin ang ating minimithi - ang makapiling ang Panginoon magpakailanman!
Available na po ang ating Bibliarasal Taon C! Tumawag sa ICC Pasig ngayon sa 6436797.
Available na po ang ating Bibliarasal Taon C! Tumawag sa ICC Pasig ngayon sa 6436797.
Comments
Post a Comment