Sangpuso


Salubong


Lukas 11: 27 - 28

Naalala natin ang sigla ng mga Pilipino kapag nakikitang naghaharapan na ang mga imahen ng Mahal na Birhen at ang Muling Nabuhay na Kristo.

Natutuwa tayo kapag ibinababa na yung munting anghel upang tanggalin ang taklob na belo sa mga mata ni Ina. Tapos ang kanyang mukhang malungkot at napalitan ng tuwa.  Ang kanyang Anak ay muling nabuhay!

Bakit malapit sa atin ang mga larawang ito?  Marahil, nagugunita rin natin na kapag tayong mga anak ay nawalay sa ating mga nanay, pagbalik natin ay hindi maipinta ang ngiti ni Ina sa pagkakita sa atin.  Ang yakap natin kay Ina ay kasing-init ng pag-akap niya sa atin noong tayo'y mga sanggol pa.

Ito palagay ko ang mensahe ng Salubong: pinakikita rito ang mahigpit ng pagkakaugnay ng nanay sa kanyang Anak, at ang Anak sa kanyang Ina sa isang pakikipag-ugnayang hindi na magmamaliw kailanman - ganap, ganap sa kalinisan at pag-ibig.

Isipin din natin ang pagsalubong ni Hesus sa ating buhay, tayong nababalutan ng takot, lungkot, at pangamba sanhi ng Covid-19.  Sino ang magliligtas sa atin sa pangambang ito?  Sino si Hesus sa ating buhay na nag-aalis sa atin ng takot?

Pagnilayan natin ang mahigpit na kaugnayan ni Maria't ni Hesus sa pakikipag-ugnayan natin sa Muling Nabuhay na Kristo.  Iisa ba ang puso o "sangpuso"? Kung hindi, ito ang dapat nating gawin - paunlarin natin ang higpit ng kaugnayan natin kay Kristo.

At ikalawa, ipakita natin ang kaugnayang ito sa paggaya kay Kristo sa pagtupad ng kalooban ng Diyos.  Ito ang sanhi ng kanyang Muling Pagkabuhay. Ito rin ang magsasanhi ng ating muling pagkabuhay sa kanya, kasama na ang kawanggawa at pagkalinga sa kapwa.


Comments

Popular posts from this blog

Manalangin lagi, huwag manghinawa

Buhay na pananampalataya

Maging mapagkumbaba