Saturday, November 24, 2012

Ika-1 linggo ng Adbiyento, C


Bagong pananaw

para sa ika-2 ng Disyembre 2012,
sanggayong panahon C,
Lk. 21: 25 - 28, 34 - 36

Ang ebanghelyo ay tungkol sa katapusan ng mundo.  Ngunit ibang uri ng pagtatapos ang tinuturo nito.  Kailangang magtapos ang lumang mundo ng ating kasakiman upang umusbong ang bagong mundo ng paglilingkod natin sa Diyos.
   Sinasaad sa unang pagbasa, “Paiiralin Niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain.” (Jer 13, 14) Sa ikalawang pagbasa, “Kayo’y mananatiling banal at walang kapintasan sa harapan  ng ating Diyos Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Hesukristo.” (1 Thes 3, 12) Ito ang bagong mundo natin sa Diyos at hindi yaong nagpapakasasa sa yaman at aliw ng kasalukuyang panahon.
   Sikapin nating maghanda sa lahat ng oras na maging kalugug-lugod sa Diyos sa pamamagitan ni Kristo.   (Fr. Lito Jopson)

Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari, B

Si Kristo ang tunay na Hari ng ating buhay

para sa ika-25 ng Nobyembre 2012,
sanggayong panahon B,
Huwan 18: 33 - 37

Sa pagbasang ito, inamin ni Hesus na siya ang hari.  Ikalawa, sa kanyang kaharian, ipagtatanggol siya ng kanyang mga alagad.
   Manampalataya rin tayo na si Kristo’y tunay na hari ng ating buhay.  At hindi siya mahinang hari; malakas at makapangyarihan siya.  Sa kanyang pagiging hari, nagbabago ang buhay tungo sa pagmamahalan at kasaganahan.  Hanggat hindi natin siya tinataguriang hari, walang pagbabago ang ating buhay.
   Ikalawa, kailangang ipakita sa buhay natin ang pagiging alagad ni Kristo.  Gamitin natin ang kinagagalawang buhay natin upang maglingkod sa buhay na Diyos at hindi ituring na hadlang ang ating mga pinakakaabalahan sa buhay.  Magkaroon nawa ng puwang sa buhay natin ang magbigay ng buhay sa ating kapwa hindi paglingkuran ang sarili. (Fr. Lito Jopson)

Tuesday, October 30, 2012

Ika-31 linggo ng Karaniwang Panahon, B

Ganap, buo, at higit

para sa ika-4 ng Nobyembre 2012, Ika-31 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong panahon B, Lk. 14, 1, 7 -11

Ang sampung utos ng Diyos ay tipang malayang pinasok ng mga Israelita upang mapagtibay ang pakikipag-ugnayan nito sa Diyos at mabuhay ang buong lipi nito.  Dalawa ang nilalaman nito: una, na wala nang ibang Diyos kundi siya lamang at ikalawa, na alagaan natin ang ating kapwa.  Ito na ang “blueprint” ng pamumuhay ng isang komunidad na mamumunga dahil sa pagmamahal at pagkatakot niya sa Diyos.
   Ngunit sa ebanghelyo, napansin ba natin ang nag-uumapaw na pag-ibig sa Diyos at kapwa – BUONG puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas; at sa kapwa naman – HIGIT na mahalaga kaysa alinmang alay? Naghihirap ang mundo ngayon dahil hindi GANAP, BUO, AT HIGIT ang pag-aalay ng sarili.  Ibuhos natin ang lahat sa Diyos at makakamit natin ang tunay na buhay.  (Fr. Lito Jopson)

Ika-30 linggo ng Karaniwang Panahon, B

Talaga bang nakakakita ako?

para sa ika-28 ng Oktubre 2012, Ika-30 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong panahon B, Mk. 10: 46 - 52

May isang aklat na pinamagatang “People of the Lie” ni Scott Peck.  Kailangan niyang sulatin ito upang mula sa kinagawiang pagsisinungaling ng kanyang mga kliyente, makita nila ang kasiraang nagaganap sa kanila at magsimulang mamuhay sa katotohanan.
   Mahirap umamin ng pagkabulag kung nakakakita ang tao.  Ngunit kung talagang tayo’y nakakakita, pakisagot sa sarili: “Nakikita nga ba ng daigdig ang kadakilaan ng Diyos?” “Nakikita ko ba Siya sa sarili kong buhay?”  Kasi, kung nakikita natin ang Diyos, iba na ang mukha ng daigdig; katulad na ito ng isinasaad sa aklat ni Jeremias, “Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay ko.” (Jeremias 31, 7- 9)
   Nawa’y makita natin si Hesus at hindi ang karangyaan ng mundo; ang kanyang kabutihan at hindi kasamaan ng tao.  Nawa’y makita natin sa Kristo sa pagsunod natin sa kanya.  (Fr. Lito Jopson)

Saturday, September 22, 2012

Ika-25 linggo ng Karaniwang Panahon

Kapakumbabaan

para sa ika-23 ng Setyembre 2012, sanggayong panahon B, Mk. 9: 30 - 37

Ayon kay Marcos, ayaw ipaalam ni Hesus na naroon siya.  Tila ayaw niyang ipagkamaingay ang kanyang pagdating.  Ang pagpasok ni Hesus sa Galilea ay tanda ng pagpasok niya sa Herusalem upang gawin ang kalooban ng Ama.  Ito’y ang pag-aalay ng kanyang buhay, pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay – lahat para sa atin.

   Ang kababaang-loob ni Hesus ay dapat nating tularan.  Paglingkuran natin ang mga tao, lalo na ang mga aba; hindi ang paglilingkod na ang nais nati’y makita ang mga mukha natin sa tarpaulin upang botohin tayo sa susunod na eleksyon.  Kinalong ni Hesus ang isang bata na tanda ng isang lingkod na walang kapangyarihan ngunit katang-itangi sa mata ng Diyos.  (Fr. Lito Jopson)

Saturday, September 15, 2012

ka-24 linggo ng Karaniwang Panahon

Sino ako sa inyo?

para sa ika-16 ng Setyembre 2012, I, sanggayong panahon B, Mk. 8: 27 - 35

Hindi lamang ang kanyang mga alagad noon ang tinatanong ni Hesus kundi tayo rin, “Sino ako sa inyo?”

   Mula noong tayo’y binyagan hanggang ngayon, ano ang pagkakilala natin kay Hesus?  Masasabi ba natin gaya ng sinabi ni Pedro “Kayo ang Kristo”?
Handa ba natin siyang sundan dahil siya ang Mesiyas?  Pinapasan ba natin ang “krus” na iniatang sa ating balikat nang may pagpapakasakit at hindi nagrereklamo; sa halip ay may kasiyahang pinapasan ito dala ng pagmamahal sa Panginoong nagmamahal sa atin?

   Ang pagpapasan ng krus araw-araw ay tugon natin sa Panginoong Hesus na unang nagmahal sa atin.  Kung tatangapin natin ang “krus” na iniatang sa atin ni Hesus na may kasiyahan sa ating kalooban, tiyak na matutuwa siya habang pinagsusumikapan natin siyang sundin.  (Fr. Maico Rescate)

Saturday, September 8, 2012

Ika-23 linggo ng Karaniwang Panahon, B

Mabuksan!

para sa ika-9 ng Setyembre 2012, sanggayong panahon B, Mk. 7: 31 - 37

“Efata!”,  ibig sabihi’y “Mabuksan!”

Sinabi ni Hesus ito sa isang lalaking bingi at utal. Pagkasabi ni Hesus, nakarinig, nawala ang pagkautal, at nakapagsalita nang malinaw ang lalaki. Nalinis ang kanyang tainga at lumuwag ang kanyang dilang dati’y maysakit sanhi ng kasalanan. Dala ng kanyang kapansanan, siya’y binalewala ng lipunan.

   Sa paghipo sa kanya ni Hesus, gumaling ang lalaki, naibalik ang kanyang dangal bilang tao, at naging malaya makihalubilo sa mga tao.  Ipinakita ni Hesus ang kanyang awa at habag sa taong pinagkaitan ng boses at pandinig.  Wala siyang itinatanggi ninuman; para sa kanya lahat ay pantay-pantay.  Kung kinakailangan  ng tulong, ito’y kanyang tutulungan.

   Sana ay mabuksan din ang mga tainga natin upang hindi tayo  maging bingi sa tawag ng mga taong nangangailangan ng tulong.  Sana ay lumuwag din ang mga dila natin upang hindi tayo maging pipi sa mga humihingi ng katarungan sa lipunan natin. (Fr. Maico Rescate)

Saturday, September 1, 2012

Ika-22 linggo sa karaniwang panahon, B

Maging maawain


sanggayong panahon B,
ika-2 ng Setyembre,
Mk. 7: 1-8, 14-15, 21-23

“Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya.” Ito ang matapang na turo ni Hesus sa mga taong mapagkunwari at mapaghusga ng kapwa ayon sa pamantayang ginawa nila upang ituring ng nakararami na matuwid sila.

   Ito ay babala para sa ating lahat na maging maunawain, mahabagin at mapagpatawad sa iba sapagkat sila rin ay larawan ng ating mismong kahinaan at kamalian. Ang tanging batayan ng tama at mali ay ang pamantayan ng pagmamahal na ipinamalas sa atin ni Kristo. Kaya nga ang bilin sa atin ni apostol Santiago ay hindi sapat na pakinggan lamang natin ang Salita ng Diyos, marapat na ito ay isabuhay natin.

   Di ba’t ito ang hamon ng ating pagdarasal, pagsimba at pag-aaral ng Salita ng Diyos? Kung kaya nga dapat lagi nating suriin ang laman ng ating puso at isipan upang maiwasan ang masasamang kaisipan at damdamin sa kapwa. Pagsikapan po natin sa tuwina na magpakumbaba at iayon ang ating puso at isip kay Kristo. (Sem. Jojo Unlayao)

Ika-21 linggo sa karaniwang panahon, B

Ang Banal ng Diyos


Sanggayong panahon B,
ika-26 ng Agosto, 2012,
Jn. 6: 60 - 69

Napakahalaga sa buhay ang pagkakaroon ng malinaw na pakikipag-ugnayan at kongkretong karanasan sa Diyos. Tulad ng mga Israelita, mahalagang alalahanin natin ang mga ginawang pagliligtas sa atin ng Diyos, upang sa pagdating ng bago at matinding pagsubok ay batid na natin ang nararapat nating gawin - ang manalig at magtiwala sa Kanya.  Dapat ang ating relasyon sa Kanya ay tulad ng mag-asawa: sinusunod, inaalagaan at ginagabayan ang bawat isa. Kailangan natin ang Espiritu Santo upang maunawaan, matanggap at makayanan ang ilang mapapait, masasakit at mabibigat na karanasan dulot ng pagsunod natin kay Kristo. Ito ang karanasan ni Kristo noong yakapin Niya ang ating pagkatao.  Sa pamamagitan nito ay bigyan Niya tayo ng halimbawa kung kaya sinabi ni Pedro “Saan kami pupunta? Nasa Iyo ang mga Salitang nagbibigay Buhay…Ikaw ang Banal ng Diyos.” (Sem. Jojo Unlayao)

Ika-20 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong panahon B

Kanin ninyo Ako

 para sa ika-19 ng Agosto 2012, 
Jn. 6: 51 - 58
 

Sa unang pagbasa, nag-aanyaya ang Karunungan na kumain ang tao sa kanyang piging.  Sabi niya, “Ang kulang sa kaalaman, dito ay lumapit.”  Bakit kaya nagmistulang isang tao ang Karunungan na nag-aanyaya na kumain tayo sa kanya?
 

   Marahil nasisilayan na natin ang kasagutan – maraming tao ang kumakain ngunit di nabubusog; kumakain sila ngunit hindi marunong magbahagi.  Ang mga taong ang pinagtatrabahuhan ay ang pagkain lamang dito sa lupa ay hindi nababalutan ng karunungan.     
 

   Inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesukristo na kainin ang tunay na tinapay – Siya mismo.  Lunukin natin ang lahat ng kanyang mga tinuro.  Tularan natin ang pag-aalay ng kanyang sarili alang-alang sa kapwa.  Pagkatanggap natin sa kanya sa bawat Eukaristiyang dinadaluhan natin, maging pagkain rin nawa tayo sa ating kapwang salat sa pagkaing espiritual at materyal.  Makikita nating ang pagkaing ating tinanggap at binabahagi sa iba ay magwawakas hanggang sa buhay na walang hanggan.   (Fr. Lito Jopson)

Saturday, August 11, 2012

Ika-19 linggo ng Karaniwang Panahon

Kakaibang tinapay

para sa ika-12 ng Agosto 2012, Ika-19 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong panahon B, Jn. 6: 41 - 51

Si Hesus ay nagpapatotoo na Siya ang Tinapay mula sa Langit. Subalit hindi katulad ng tinapay na “manna” na kinain noon ng mga Israelita, sila’y namatay pa rin. Sa pagdating ni Kristo, ibinigay sa atin ng Ama ang Tinapay na nagbibigay buhay upang tayo magkaroon ng kakayahang bumangon, magpalakas at magpatuloy sa ating paglalakbay sa buhay kabanalan.  Ang mga ayaw kumain ng tinapay na ito ay makadarama ng kagutuman at kamatayan sa kaluluwa. Subalit ang mga nagsisikap na tumanggap sa tinapay na handog ni Hesus ay nagkakaroon ng sigla, lakas at buhay na walang hanggan.

  Sa pagkain natin ng katawan ni Hesus, nagpapatuloy ang misyon Niya ng pagbabahagi, pagmamahal at pagsasakripisyo. Tanda ito ng pagbibigay ng sarili upang magbigay buhay sa iba. Ang sariling ibinahagi ay nagkakapira-piraso upang matanggap ng nangangailangan. Dito nagkakaroon ng kaganapan ang ating buhay bilang mga Kristiyano, ang pagsasalo-salo sa iisang hapag.  (Sem. Jojo Unlayao)

Saturday, July 28, 2012

Ika-17 linggo sa karaniwang panahon

Mula sa Limang Tinapay

Sanggayong panahon C, ika-29 ng Hulyo, 2012, Jn. 6: 1 - 15


Mula sa limang tinapay at dalawang pirasong isda napakain ni Hesus ang humigit kumulang na limang libong kalalakihan bukod pa sa mga kababaihan at kabataan.   Dala ng kanyang habag sa napakaraming tao na sumunod sa kanya, ginawa niya ang kababalaghang ito na paramihin ang tinapay at isda para matugunan ang kanilang kagutuman.

   Mahalaga kay Hesus na matugunan ang pangangailangan ng mga tao.  Ipinakita niya rito na kailangan ang pakikipagtulungan sa iba. Kailangan niya ang batang may dala ng tinapay at isda upang maparami ito.

   Ipinakita ni Hesus na kailangan natin makipagtulungan upang magawa ang kawanggawa. Kailangan nating matutuhang magbahagi kahit anumang meron tayo para sa ating kapwang nangangailangan.    (Fr. Maico Rescate)

Ika-16 linggo sa karaniwang panahon,

Magpahinga muna!

Sanggayong panahon C, ika-22 ng Hulyo, Mk. 6: 30 - 34

Minungkahi ni Hesus na magpahinga muna ang mga alagad matapos silang bumalik mula sa kanilang misyon kung saan pinadala sila ni Hesus sa iba’t-ibang  bayan upang magpagaling ng mga maysakit at ipangaral ang Mabuting Balita.

   Napakaraming mga tao ang dumating at umalis anupat hindi nila makuhang kumain.  Kaya sinabihan sila ni Hesus na pumunta sa ilang na pook upang makapagpahinga. Ngunit nauna pa sa kanila ang mga tao. Dito nahabag si Hesus dahil napakaraming tao na parang mga tupang walang nagpapastol.

   Sa halip na makapagpahinga, tinuruan  ni Hesus ang mga taong uhaw sa Salita ng Diyos.  Si Hesus ang nakapagpapatid ng kanilang pagkauhaw.

   Si Hesus lamang ang nakapupuno sa ating pagkauhaw at pagkagutom. Siya lamang nakapagbibigay sa atin ng tunay na kapahingahan at kapayapaan sa buhay.   (Fr. Maico Rescate)

Saturday, July 14, 2012

Ika-15 linggo ng Karaniwang Panahon,

Lahat tayo ay tinawag ng Diyos

Para sa ika-15 ng Hulyo, 2012,  sanggayong panahon C, Mk. 6: 7 - 13

Turo ng Simbahan, “Ang boksayon ng mga mananampalatayang laiko ay hanapin ang paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag at pagsasaayos ng mga bagay sa mundong ito nang naaayon sa Kanyang plano.  Sinasakatuparan nila ito sa pamamagitan ng pagtugon sa tawag ng kabanalan at sa aposotolado, isang tawag na laan sa lahat ng mga binyagan.” (Compendium of the Catechism of the Catholic Church, no. 188)  

Katulad ng sa Lumang Tipan, si Amos ay hindi pari kundi isang propeta.  Hindi ba’t ilan sa mga apostol ay mga mangingisda at isa’y tagakolekta ng buwis?  Ngunit sinugo sila ni Kristo at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang Espiritu.  Kung ginagawa lamang ng mga magulang ang kanilang tungkulin sa kanilang mga anak, pamayanan at bansa, busog na sana tayo sa presensya ng Diyos.  Nakikilala ng Simbahan na lahat ng mga bagay sa mundong ito ay mabuti.  Ngunit mas mainam na gamitin ang mga ito para sa kaluwalhatian ng Diyos. (Fr. Lito Jopson)

Saturday, June 16, 2012

Dakilang Kapistahan ng Kapanganakan ni San Juan Bautista

Ang misyong dalhin si Kristo sa iba


Ika-24 ng Hunyo 2012, Lk. 1: 57 - 66. 80

Anong kahalagahan ng Dakilang Kapistahan ng kapanganakan ni Juan Bautista?  Sa lahat ng mga pinagdiriwang natin kapistahan ng mga banal, tatlong lamang ang ipinagdiriwang natin mula sa kanilang kapanganakan – ang mahal na Birheng Maria,  ang Panginoong Hesuskristo, at si Juan Bautista.
   Tinaguriang huli sa mga magigiting ng personalidad ng Lumang Lipan, si Juan ang huling propetang magdadala sa ating sa Bagong Tipan ng ating Panginoong Hesukristo.  Noon pa lamang ay nakaukit na sa kanyang tadhana ang kanyang misyon, pagkatao, at papel sa kasaysayan ng kaligtasan.  Isang karangalan sa kanya ang maging tagapagpahayag ng pagdating ng Mesiyas at ito’y banaag sa kanyang buong buhay.  Tuwing iisipin natin si Juan Bautista, nakikita natin ang magpamahal na kamay ng Diyos na nagliligtas sa atin.
   Ang bawat isa sa atin ay may itinakdang misyon sa mundong ito.  Misyon nating isalamin si Hesukristo at dalhin siya sa iba upang sila’y maligtas.  Magkaroon nawa ng direksyon at kahulugan ang buhay natin tulad ni Juan Bautista.   (Fr. Lito Jopson)

Ika-13 linggo ng Karaniwang Panahon

Pananaw sa buhay


Sanggayong C, Mk. 5: 21 - 43

Alin kaya ang mas matimbang? Ang pananaw natin sa buhay natin o ang pananaw ng Diyos sa buhay natin?
   Kung tayo lang ang masusunod, mas matimbang ang buhay natin, ngunit ang sakop nito’y makitid – hanggang sa pamilya lamang natin at sa ibang malapit sa atin.
   Ngunit hindi ganito ang pananaw ni Kristo.  Ang buhay niya’y hindi para sa iilan lamang, kundi para sa lahat.  Ang buhay nati’y kinasasaklawan ng kapangyarihan, pera at kasaganahan.  Ngunit ang buhay ni Kristo’y tigib sa paglilingkod at pag-aalay ng sarili.  Sa kahuli-huliha’y ang buhay nati’y nakasasalay sa “survival of the fittest”; ngunit ang kay Kristo’y sa “sharing of life.”
   Ito ang dahilan kung kaya’t ang batang babae ay nabuhay at ang matandang babae’y gumaling sa kanyang sakit.  Dahil hangad ng Diyos na lahat tayo’y mabuhay, isabuhay natin ang Kanyang pananaw sa buhay sa pamamagitan ng paglilingkod.  (Fr. Lito Jopson)

Saturday, June 9, 2012

Ika-11 linggo ng karaniwang panahon

Ang namumunga


Sanggayong B, ika-17 ng Hunyo, 2012, Mk. 4, 26 - 34

Nais ng Panginoon na mamunga tayo sa mundong ito.  Ngunit ano ba ang batayan ng pamumunga?  Pagiging mayaman ba, makapangyarihan, o nakaangat sa iba?
   Sa ikalawang pagbasa, sinasabi ni San Pablo sa Corinto, “Ang pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit.”  Dito nagsisimula ang tunay na pamumunga ng buhay – ang hangarin ang Diyos lamang at pasayahin Siya.   Sinabi pa ni San Pablo, “Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay na nakikita.”
   Sa ebanghelyo, ang talinhaga ng paglago ng isang inihasik na binhi ay nagpapatukoy sa Diyos na nag-aalaga sa ating lahat.  Siya yaong hindi natin nakikita ngunit nagsasanhi upang ang binhi ay maging isang malaking puno na mapakikinabangan ng mga ibon at tao.
   Ang taong malapit sa Panginoon ay mamumunga ng limpak-limpak na kabutihang nanggagaling sa Diyos na mapakikinabangan ng mga anak at mga sumusunod na henerasyon.  Ano pang inaantay natin?  Paglingkuran natin ang Panginoon ngayon din!  (Fr. Lito Jopson)

Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo,

Corpus Christi
Sanggayong B,  ika-10 ng Hunyo 2012, Mk. 14: 12 - 16, 22 - 26

“Ito ang aking katawan… ito ang aking dugo …”
   Nabanggit ni Hesus ang mga salitang ito sa kanilang hapunang Pampaskuwa. Kasama ang mga alagad, ginunita nila ang pagliligtas ni Yaweh sa bagong Israel nang  lumaya sila sa Egipto.  Ito rin ang pagkakataon ni Hesus upang ihanda ang mga alagad sa kanyang pagpakasakit, pagkamatay, muling pagkabuhay, at pag-akyat sa langit. Tinagurian Niya itong “farewell party” sa mga apostol.
   Sa Huling Hapunan, ginamit Niya ang tinapay at alak na sumasagisag ng Kanyang katawan at  dugo bilang pag-aalay ng Kanyang buhay para iligtas ang tao sa kasalanan at kamatayan. Nais Niyang maalaala Siya ng mga alagad na kasama Siya lagi tuwing sila’y magkatipon at nagbabahaginan ng tinapay at alak.
   Ang kapistahan ng Katawan at Dugo ni Hesus ay isang pag-aalala na ang Diyos ay patuloy na nagmamahal sa atin mula simula pa ng ating buhay hanggang sa wakas ng panahon.
   Sinabi ni Hesus, “ Ang kumain ng aking laman at uminom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw.”
   Tuwing tayo’y nagkakatipon sa misa, naalala natin ang mga ginawa ni Hesus para sa ating kaligtasan.  (Fr. Maico Rescate)

Saturday, May 26, 2012

Dakilang Kapistahan ng Banal na Isantatlo



Iisang Diyos sa Tatlong Persona
 

Dakilang Kapistahan ng Banal na Isantatlo, sanggayong B, Ika-3 ng Junyo 2012, Mt. 28, 16 - 20

Sa Deuteronomio, nakikita natin ang kapangyarihan ng Diyos bilang tagapaglikha ng langit at lupa at tinatawag tayong lahat na sundin ang kanyang mga utos upang ang umunlad ang ating buhay at gayun din ng ating mga anak, sapagkat pagpapalain tayo ng Panginoon.

   Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Roma, “Kung sino ang kinasihan ng Espiritu ay anak ng Diyos.”  Sa pamamagitan nito, tinatawag natin ang Diyos bilang “Abba” o “Ama.”

   Sa Mabuting Balita ayon kay Mateo, binigay kay Hesukristo ang lahat ng kapangyarihan at inaatasan tayong ipangalat natin ang Mabuting Balita at gawing disipulo ang lahat ng mga bansa.

   Nababanaag sa buong bibliya ang pagka-Diyos ng Panginoon – iisang Diyos sa tatlong Persona, magkatulad sa karangalan, ngunit may katangi-tanging Pagka-Diyos.  Ang Ama ang lumikha at patuloy na lumilikha ng langit at lupa.  Sa Anak binigay ang lahat ng kapangyarihan ng langit at lupa, magtali at magkalag, at maging tagapagligtas ng buong mundo.  Sa Espiritu Santo, ang bawat tao ay tunay na nagiging anak ng Diyos sapagkat sa kanilang buhay, nababanaag ang mismong presensya ng Panginoon.

   Ipagsama ang lahat ng ito at tayo’y nagiging isa tulad ng Diyos bilang iisa.  Ngunit tulad din ng pagkakaiba ng kanyang Persona, tayo rin ay may kani-kaniyang gampanin upang ang katawan ni Kristo ay maging buhay.  Nawa’y ilarawan natin ang pagmamahal ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo sa ating buhay!   (Fr. Lito Jopson)

Linggo ng Pentekostes

Espiritu Santo: Diyos ng pagkakaisa

Linggo ng Pentekostes, Sanggayong B,  ika-27 ng Mayo 2012, Jn. 20, 19 - 23

Sa dakilang araw na ito ng Pentekostes o paglukob ng Espiritu Santo, pinagdiriwang din natin ang bagong kapanganakan natin sa Espiritu.  Ang lumang kapanganakan natin ay sa laman.  Ngunit ngayon, tayo ay inaring mga anak ng Kataastaasang Diyos at nakikisalo sa kanyang Espiritu.

   Sa pamamagitan ng Banal na Espiritu tayo ay nakikipag-isa sa buhay na Panginoon at tayo’y nagiging kalarawan ng kanyang pagka-Diyos.  Kung ano siya, ganoon din tayo.

   Iisa ang Espiritu.  Ito ang bumubuklod sa atin bilang magkakapatid.  Kung paanong siya ang Diyos ng pagkakaisa, gayun din tayo ay nakikisalo sa comunio ng pagmamahal ng Diyos at ng ating kapwa.

   Ikalawa, ang Banal na Espiritu ang naghihilom sa atin at nagbibigay ng kapangyarihan upang gawin ang mga bagay na maka-Diyos.  Tiyak na lahat ng instrumento ng paghihilom ay ating gagawin – pagpapatawad, pang-unawa, pagtuturo mapalapit lamang tayo sa Diyos, malasakit sa kapwa – lahat ng ito’y nagbibigay sa atin ng kapangarihan bilang mga buhay na anak ng Diyos.  Ngayon ay wala nang puwang sa kasalanan, pagkamakasarili, o pagkalulong sa bisyo.

   Mabanaag nawa ang Espiritu Santo sa ating buhay ngayon!  (Fr. Lito Jopson)

Sunday, March 25, 2012

“Landas tungo sa Kamatayan”


Linggo ng Palaspas, siglo B, Ika-1 ng Abril 2012; Marcos 14:1 – 15:47

Dalawang pagbasa mula sa Ebanghelyo ang binibigyang halaga ngayong Linggo ng Palaspas: ang matagumpay na pagpasok ni Kristo sa Herusalem at ang landas tungo sa kamatayan sa krus.
   Sa dalawang kwentong ito nababanaag ang napipintong kamatayan ni Kristo sa krus bilang pagtalima sa kangyang Ama at pagligtas sa atin mula sa mundo ng kasalanan. Ang paghiyaw ni Kristo, “Ama, bakit mo ako pinabayaan?” ang tanda na pagtaggap ni Kristong pumasok sa kasalanan kahit hindi siya nagkasala upang kung dumating ang panahong ganito rin ang paghiyaw natin, kasamang-kasama natin si Kristo ng magliligtas sa atin. Sabayan natin si Kristo sa krus at mauunawaan natin ang kaligtasang alok niya sa atin. (Fr. Lito Jopson)

“Right Timing”


Ika-5 linggo ng Panahon ng Kuwaresma, siglo B, Ika-25 ng Marso 2012, Lukas 12:20-23

  Mayroon tayong tinatawag na “right timing”, ibig sabihin, eksakto ang panahon sa pagkakagawa ng isang bagay. Ang pag-aalay ni Kristo ay napapanahon, nasa “right timing” upang maganap ang gawaing kaligtasan.
   Sana gamitin natin ang panahon nang tama. Hindi “right timing” ang panahon ng kamatayan lamang upang humingi ng kapatawaran samantalang buong buhay nating inaksaya ang panahong laan sa atin. Ang panahon ng pagtugon sa paglilingkod sa Panginoon ay ngayon na; panahon na upang iwanan ang lahat ng gawaing kasalanan at sumunod sa Kanyang kalooban. Ikalawa, ang pagtulong sa ating kapwa lalo ng mga naghihirap ay ngayon na; lumalaganap ang kahirapan dahil inipon natin ang ating salapi at talento sa paglilingkod sa ating sarili at nakalimutan natin sila. Ikatlo, ngayon ang panahon upang baguhin ang daigdig tungo sa kabutihan; lumalaganap din ang kasamaan, bisyo at kasiraan ng mga pamilya dahil hindi tayo naglalaan ng oras upang hubugin ang mga bata at ayusin ang komunidad at barangay.
  Tulad ng pag-aalay  ni Kristo ay nagpapanahon, ang pag-alay ng ating buhay sa Diyos ngayon ay napapanahon din. (Fr. Lito Jopson)

Mga Pagninilay:
  1. Kailan ba ang "right timing" natin para lumayo sa mga kasalanan at dating gawi ng ating buhay, kailan ba tayo naging mabuting Kristiyano sa mga taong nangangailangan natin, Kailangan tayo gumagawa ng paraan para maging bago at batay sa kautosan ng Diyos ang ating mga gawain tungo sa ikabubuti ng lahat?
  2. Kailan ba ang "right timing" natin sa pagtugon sa tawag ni Kristo na maglingkod sa kanya, na maging mabuting tunay na Kristiyano sa ating mga pamayanan at mga kawan? Paano ba natin binibigay ang ating 3T's sa ating mga pamayanan at kawan?


Pagpapaumanhin

Mapanunumbalik ang regular na pagbibigay ng mga pagninilay sa Ebanghelyo.  Ako po'y humihiling ng pagpapaumanhin at sa mga komunidad na nagsusulong ng BEC at nangangailangan ng pagninilay para sa kanilang mga kapitbahayan ay sumali sa website na ito.  Isumite lamang po ninyo ang inyong email address sa mga kahon sa kanan kung nais po ninyong makatanggap ng mga pagninilay sa Ingles o Tagalog.  Maraming salamat po!