Posts

Showing posts from 2011

Mabuting Pastol

Ika-5 Linggo ng Muling Pagkabvhay, Sanggayong A, Mayo 15, 2011 (Jn. 10, 1 - 10) Isang “wake-up call” para sa ating mga Kristiyano ang ganapin ang papel ni Hesus bilang “Mabuting Pastol” sa pagpapastol ng ating mga kawan o B.E.C.    Ang Mabuting Pastol ay nagtitipon at hindi nagkakalat.  Nawa’y walang nagkakalat na mga tupa ng Panginoon.  Huwag din tayong manatili sa pag-alaga ng mga kauri lamang natin kundi tipunin ang mga tao patungo sa Panginoon.    Ikalawa, inaalagaan ng Mabuting Pastol ang kanyang kawan.  Dinadala niya ito sa masaganang pastulan.  Saan ba natin dadalhin ang ating mga pamayanan o kapitbahayan?  Huwag nating hayaang magutom ang iba; bagkus, sikapin nating maging busog sa Mabuting Balita ang ating kapwa.    Ikatlo, inaalay ng Mabuting Pastol ang kanyang buhay alang-alang sa kanyang kawan.  Hindi man natin maiaalay lahat ng ating buhay, ngunit sapat na ang mag-alay ng ikapu ng ating oras, talento, at kayamanan upang gawin ang plano ng kaligtasan ng Diyo

Wag kang bumalik sa Emaus!

Ika-3 Linggo ng Muling Pagkabuhay, Sanggayong A, Mayo 3, 2011 (Lk. 24: 13 - 35) Mapalad ang mga apostol na naglalakad patungong Emaus dahil sa kanilang kaamuang –loob.  Dahil dito, natanto nilang kasama-sama nila si Kristong nagpaliwanag sa kanila tungkol sa Salita ng Diyos at nakilala nila siya nang pinagpira-piraso niya ang tinapay.  Kung matitigas ang kanilang ulo, mananatiling patay si Kristo sa kanila.    Maaring ang lumang mundo natin ay Emaus, isang pook ng mga kinasanayan natin sa paggawa ng kasalanan.   Ngunit doon ay walang buhay.  Nawa’y tulad ng mga apostol na bumalik sa silid kung saan idinaos ang huling hapunan, tayo ri’y makabalik sa pook kung saan una nating nakilala si Kristo, narinig ang kanyang mga salita, at nasaksihan ang kanyang kapangyarihan at pag-ibig.  Sa pagkakakilala natin kay Kristo araw-araw, hinuhubog niya tayo upang magmahal, magsamba ang maglingkod sa Diyos at paglingkuran din ang ating kapwa.  (Fr. Lito Jopson)

Maging mga anak ng liwanag

Ika-4 linggo ng Kwaresma, sanggayong A, Abril 3, 2011, Jn. 9: 1 - 41 Pinakikita ng kwento ng lalaking bulag si Kristo bilang ilaw ng sanlibutan.  Hinahamon ng Ebanghelyo ang bawat isa: “Naniniwala ka ba sa Anak ng tao?” “Opo, Panginoon, nananampalataya po ako!” (Jn 9: 35 – 38) masayang tugon ng lalaking pinanganak na bulag na nagbibigay ng tinig sa mga mananampalataya.  Ang mirakulo ng pagpapagaling ay isang tanda na nais ni Kristo na hindi lamang na bigyan tayo ng paningin kundi buksan ang mata ng ating kalooban upang palalimin pa ang ating pananampalataya at matanto natin siya bilang ating Tagapagligtas.  Iniilawan niya ang anumang madilim sa ating buhay at dinadala tayo upang mamuhay bilang mga “anak ng liwanag.” (Papa Benedicto XVI, mensahe para sa Kwaresma, 2011)

Bigyan ako ng maiinom

“Bigyan ako ng maiinom” Ika-3 linggo ng Kwaresma, sanggayong A, Marso 27, 2011, John 4:5-42 Si Kristong humihingi ng maiinom sa babaeng Samaritano ay pahiwatig na pati ang Diyos ay nauuhaw rin sa pagmamahal para sa lahat ng tao at nais niyang mapunuan tayo ng “bukal ng tubig sa kaloobang nagdadala sa atin sa buhay na walang hanggan.” (Jn. 4:14)    Ito ang biyaya ng Espiritu Santo na binabago ang mga Kristiyano bilang mga tunay na tagapagsamba na may kakayanang manalangin sa Ama sa “Espiritu at sa katotohanan.” (Jn. 4:23)  Dito sa tubig na ito lamang mapapawi ang uhaw natin para sa kabutihan, katotohanan at kagandahan!  Sa pamamagitan nitong tubig na binigay sa atin ng Anak, madidiligan ang ating mga kaluluwang naghahanap ng kapahingahan, hanggang sa “matagpuan natin ang kapayapaan sa Diyos”, tulad ng sinabi ni San Agustin. (Papa Benedicto XVI, mensahe para sa Kwaresma, 2011)

Nakikita mo ba ang Diyos?

Ikalawang linggo ng Kwaresma, sanggayong A, Marso 20, 2011, Matt. 17, 1 - 9 Nakikita ba natin ang mukha ng Diyos, ang kanyang karingalan at kabutihan?    Nakalulungkot mang isipin, ngunit marami tayong mga pagkakataon na sana’y napaglingkuran natin ang Diyos, ngunit inuna natin ang pagliligtas sa ating buhay.  Inuna rin natin ang ating karangyaan at kaginhawaan.    Ngunit sadyang may kabayaran ang ating kapabayaan.  Habang ubos ang ating oras sa pagliligtas sa ating sarili, nagiging salat naman tayo sa presensya ng Diyos.  Hindi makita sa ating kapaligiran ang karingalan ng Diyos bagkus ay hirap, kasakiman at pag-aapi.    Sa pagninilay natin sa pagbabagong anyo ng Panginoon, nawa’y pahalagahan natin ang paglilingkod sa kanya sa ating pang-araw-araw na buhay.  Kahit na animo’y mga normal na pangyayari lamang, paanyaya sa atin na hanapin ang tunay na kapangyarihan ni Kristo na baguhin ang buhay ng lahat ng tao at paglingkuran Siya.

Puksain ang tukso

Unang linggo ng Kwaresma, sanggayong A, Marso 13, 2011, Matt. 4, 1 - 11 Kung paano napagwagian ni Kristo ang kanyang mga pagsubok, tinatawag din tayo na pagwagian din natin ang mga tukso ng buhay natin.  Hindi lamang dahil si Kristo ay Diyos kaya napagwagian niya ito.  Tulad natin, nagugutom din siya.  Ngunit anong tanging lakas ang maaari nating tuluran kay Kristo upang mapagwagian din natin ang mga pagsubok ng ating buhay?    Una, ang Diyos ang kanyang pagkain.  Ang kanyang salita ang nagbibigay-buhay.  Kung lahat ng tao’y taglay ang Salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkain ang lahat ng tao.    Ikalawa, ang Diyos tanging pinaglilikuran ni Kristo; ang Ama ang kanyang lakas.  Kung ang lakas ng tao ay Diyos at wala nang iba, ang kanyang pananampalataya’y magiging gawang namumunga ng kabutihan.    Ikatlo, ang Diyos lamang ang kanyang tanging yaman.  Kung lahat ng mga tao ay yuyuko at paglilingkuran ang Diyos, magiging mga mabubuting tagapamahala tayo ng kalikasang nilikha niya para s

Buhay-kabanalan

Ang pinagmumulan ng kasalanan ay kung inihihiwalay ng tao ang kanyang kabanalan sa Diyos sapagkat siya'y tao lamang.  Ito'y maling paniniwala sapagkat taong lahat ay nilikha ng Diyos ayon sa Kanyang wangis.  Nararapat lamang na umasa ang Diyos na tayo'y magiging banal tulad niyang ganap sa kabanalan. Pinalalim ito ni Kristo sa pagsasabuhay ng isang bagong batas na mashigit pa sa mga kinamulatang pagsunod nito.  Hindi lamang sa huwag gawan ng masama ang kapwa, nais niya na pagwagian ang karahasan sa kapwa sa pamamagitan ng pagpapatawad at pag-ibig.  Mariin niyang binanggit na hindi lamang ang mga kaibig-ibig ang mahalin kundi pati na rin mga kaaway at ang mga nagpapahirap sa atin.  At ikatlo, nais niyang maging higit pa sa ginagawa nating paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal natin sa ating kapwa ng walang inaantay na kapalit.  Utang natin ang lahat ng ito sa Diyos na unang nagpatawad at nagbigay ng buhay sa atin.  At kung siya'y banal, nararapat lamang

Pagtupad sa batas ng Diyos

Ika- 6 na linggo sa pangkaraniwang panahon, Sanggayong A, Pagbasa: Mt. 5: 17 - 37 Si Kristo ang kaganapan ng batas; hindi niya tinutulan ito; mas lalo pa niyang ginanap niya ito.  Ngunit tinuturuan tayo ni Kristo na ang pagiging Kristiyano ay mas higit pa sa external na pagtupad sa batas.   Sapagkat nais ni Kristo na tayo'y maging ganap na ating pag-ibig sa Ama, nais Niyang ipaalala sa atin na kailanman hindi pinahihintulutan ng Diyos na tayo ay magkasala kaninuman, hindi lamang sa gawa kundi sa isip at puso.  Hindi lamang sa pisikal na pagpatay sa kapwa tayo nagkakasala kundi sa pagpatay sa kanila sa ating isipan at kung patuloy natin silang sinisiraan sa ating kapwa.  Hindi lamang sa aktuwal na paghihiwalay ng mga mag-asawa nagkakasala ang tao sa Diyos kundi sa kung sinuman ang naghahangad na makiapid sa iba sa kanyang isipan. Ang kabanalan nati'y dapat maging salamin ng kabanalan ng Diyos, walang labis, walang kulang.  At nawa'y nababanaag ito sa isip, sa salita

Kilala mo ba ang iyong sarili?

Ika-5 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong A, Pebrero 6, 2011, Matt. 5, 13 - 16 Kung sino ang lumalapit at tumatalima sa Panginoon ay mas nakikilala ang kanyang sarili.  At para sa Panginoon, hindi tayo kasing makasalanan tulad ng pananaw natin.  Una, tayo pala’y asing nagbibigay alat sa buhay.   Sa bawat galaw ng Panginoon, lahat ay nagagawaran ng buhay.  Ikalawa, tayo ay ilaw ng sanlibutan.  Ang unang ilaw ay si Kristong muling nabuhay at nagbigay ilaw sa mundong nabalutan sa dilim.   Huwag nating ikahiya ang pagpapakita ng mabubuting gawa; ang unang makikinabang ay ang ating mga anak dahil nakikita nila ang ating mabubuting halimbawa.  Samakatuwid, sa dalawang larawang ito, ang sinasalamin ng buong buhay ay si Kristo at wala nang iba.

Sino ang mapalad?

Ika-4 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong A, Enero 30, 2011, Matt. 5, 1 - 12 Bakit kaya ang mga mahihirap  ang itinataas ng Diyos?  Bakit kaya espesyal sila sa Kanyang paningin? Una, ang pagiging dukha ay salat at nangangailangan ng tulong.  Wala na silang ibang matakbuhan kundi ang Diyos lamang.  Ang  mga dukha, mga matatandang naiwan sa convalescent homes, at mga bata sa sinapupunan na nais ilaglag ng kanyang mga magulang, ay walang ibang tagatanggol maliban sa Diyos lamang. Ikalawa, nalulugod ang Panginoon sa mga taong may diwa ng pagkadalita dahil hindi sila abala sa mga alalahanin ng mundo.  Ang puso nila’y payak para sa Diyos lamang. Ikatlo, tahas na pinaglilingkuran ng mga taong mapagkumbaba ang Diyos.   Sa kanila natutupad ang Kanyang mga balakin at kalooban.  Sa lahat ng mga ito, ang tao’y tunay na mapalad.

Ang ating misyon

Ika-3 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong A, Enero 23, 2011, Matt. 4, 12 - 23 Tulad ng mga apostol, lahat tayong mga nilalang ay may natatanging papel na dapat gampanan sa mundo.   Bawat isa sa atin ay tinawag ng Diyos upang magmahal sapagkat iyon din ang ibinuhos niya sa atin.  Kung akala nating hindi tayo tinawag upang magmahal tulad ng Diyos, para na rin tayong mga patay na nahiwalay sa bukal ng buhay.  Ang unang misyon natin ay magmahal. Ang ikalawang misyon natin ay akayin ang ating kapwa patungo sa Diyos.  Ang ikatlong misyon natin ay makauwi nang ligtas sa ating langit na tahanan kasama ang ating mga mahal sa buhay.       Kung magagawa natin ang lahat ng ito, siguradong hindi natin aaksayahin  ang ating buhay.  Mas magiging makahulugan ito at puno ng pagpapala!

Sto. Nino

Kapistahan ng Sto. Nino, 16 Enero, 2011, sanggayong A, Matt. 18, 1 - 5, 10 Ang araw ng Sto. Nino ay nagpapaala sa atin na si Kristo ay minsan ding naging bata na lumaki at lakas, talino, at lalo na sa Espiritu.   Huwag nating dulutan ng siphayo ang mga bata.  Bagkus, ituro natin sa kanila ang magdasal at paggawa ng kabutihan.  Higit sa lahat, hubugin natin silang maging tagapagpahayag ng Mabuting Balita at mga misyonero sa makabagong panahon!  (Fr. Lito Jopson)

Binyag ni Kristo

Kapistahan ng Pagbibinyag ni Kristo, 9 Enero, 2011, sanggayong A, Matt. 3: 13 - 17 Sana alam natin ang nangyari noong tayo’y bininyagan – bumukas ang langit at bumaba ang Espiritu Santo at inakap tayo.    Ito ang misteryo ng binyag, na hindi na tayo hiwalay sa Diyos.  Binuksan ng binyag ang napakagandang mundo ng Panginoon, ng pag-ibig, ng kapayapaan at buhay.  Binuksan din ang mundo sa ating kapwa.  Sa mundong ito, marami tayong kailangang gawin.  Kaya sumali tayo sa mga gawaing-pang-Simbahan.  Ang gawa ng Simbahan ay gawa rin ni Kristo pagkatapos ng kanyang binyag. (Fr. Lito Jopson)

Pagpapakita ng Diyos

Kapistahan ng Epifania, 2 Enero, 2011, sanggayong A, Matt. 2: 1 -12 Kailangang maging “magus” upang masilayan ang Panginoon Hesukristo sa panahon ngayon.    Una, kailangan nakatutok ang buhay sa paglilingkod sa Kanya at hindi sa sarili.Kailangan malaman natin na ang buhay natin ay isang paglalakbay ng pananampalataya, parating hinahanap ang tala na nagdadala sa atin sa liwanag at kay Kristo.  Kailangan ng bagong uri ng “pagpapakatao” na nababanaag ang kabutihan at pagliligtas ni Kristo.   (Fr. Lito Jopson)

Banal na Pamilya

Kapistahan ng Banal na Pamilya, 26 Disyembre, sanggayong A, Jn. 20, 1-8 Sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Banal na Pamilya, bigyang natin ng ibayong paggalang sina Hesus, Maria at Hose sa pagiging instrumento ng pag-ibig ng Diyos at pagnilayan na rin natin ang kabanalan ng ating pamilya.    Maraming suliranin ang bumabalot sa kasagraduhan ng pamilya; ang pinakamalala ay ang pagpasa ng RH bill na sa bandang huli’y pinahihintulutan ang aborsyon ng mga bata sa sinapupunan ng ina.    Ang bawat pamilya ay nakaugat sa pamilya ng Diyos na ating Ama, kung kaya tayong lahat ay magkakapatid.  Bigyan natin ng ligaya ang bawat miyembro; alagaan ang mga magulang sa kanilang katandaan; pag-ibig ang pairalin at hindi kasakiman at pagkakanya-kanya.  Hesus, Maria, at Hose, ipakita niyo sa amin ang daan patungo sa langit at buhay, Amen!   (Fr. Lito Jopson)