Friday, December 3, 2010

Mga tanda ni Kristo sa mundo

Ika-3 linggo ng Adbyento, sanggayong A, Matt. 11: 2 - 11

Hamon ni Kristo sa mga tao, "Anong hinahanap ninyo sa ilang?"  Maaring isang magara, makapangyarihan o mayamang tao?  Kapansin-pansing lakas ng Diyos?  Ngunit Siya nga ay naroon sa pamamagitan ni Huan Bautista, ang tagapaghanda ng daraanan ng Panginoon.

Ano bang hinahanap natin sa Panginoon?  Siya ba'y natatagpuan natin tulad ng ating inaasahan?  Ang paghihirap at korupsyon sa ating kapaligiran ay tanda ba ng pagsasaatin ng Panginoon?  Paano ba natin mapaglilingkuran ang Diyos sa mundong kinagagalawan natin?

Masisilayan natin ang Diyos sa bawat isa sa ating ang hangad ay Siya lamang ang panglingkuran.  Kailangan din natin siyang makita sa ating kapwa at sila'y iahon sa kahirapan at kasalanan.  Kailangan nating itaya ang buong buhay natin upang maging mga buhay na katawan ni Kristo.  Kung gagawin natin ang mga ito, ang unang makakakita ng buhay na Diyos na nagkatawang tao ay ang ating mga anak.

Saturday, November 20, 2010

“Ituwid ang daan!”

Ika-2 linggo ng Adbyento, 5 Disyembre, 2010, sanggayong A, Matt. 3: 1 - 12

Sinabi ito ni Juan Bautista upang ihanda ang mga tao sa pagdating ng Mesias.  Paghahanda tungo sa tuwid na daan ay ang pagsisisi sa ating kasalanan. Ang paglilinis ng sarili ay paghahanda sa isang ating darating na Panginoon. Bibisita ang Diyos sa kanyang bayang pinili upang iligtas sila.
   Hindi alam ni Juan kung sino ang darating.  Dahil sa siya’y napakamakapangyarihan, ang  tingin ni Juan sa kanyang sarili ay hindi siya karapat-dapat upang maghanda sa kanyang pagdating.
   Ang paghahanda ni Juan ay may dalang kasiyahan dahil bibisita ang Diyos sa pamamagitan ng isang banal tagapagdala ng balita.
   Ang isang darating ay susubukin ang tao kung kaya nitong magbago sa pamamagitan ng pag-amin ng mga kasalanan at pagsisihan ang ito tungo sa pagbabago.
   Ang pagtanggap ng kasalanan, pagsisihan ito at mangakong magbago ay sang-ayon sa tuwid na daan na ating pinaghahandaan.
  (Fr. Maico Rescate)

Maging laging handa

Unang linggo ng Adbyento, 28 Nobyembre, sanggayong A, Matt. 24: 37 - 44

Sinabi ng mga dalubhasa sa Biblia na ang mga kuwento sa ating ebanghelyo ngayon ay hindi hula tungkol sa “katapusan ng mundo”. Hindi rin ito pangtakot sa mga tao kundi mga katangian ng kuwento tungkol sa pagdating ng Diyos. Kung saan ang mga taong takot sa mga pangyayari o maaring mangyayari ay umaasa na lahat ng ito ay maisaayos sa pamamagitan ng kamay ng Diyos. Nariyan ang Diyos upang iligtas ang mga taong may pananalig sa kanya. Hindi Niya sila pababayaan.
   Sa katunayan dadalawin Niya ang mga tao sa panahong di natin alam. Kaya kailangan natin maging handa dahil ano mang oras Siya darating, tulad ng isang magnanakaw.
   Kaya maging handa lagi tayo. Sabi nga ni San Ignacio de Loyola, “Buksan natin lahat ang ating pandama, tainga, mata, kamay, dila, ilong, pati kalooban, upang parati tayong handa na  mamalayan ang Kanyang Pagdating.   Gawing masigla at masayang paghihintay ang Kanyang pagdating!  Tulad ng mga Boy Scout, “Maging Laging handa!” (Fr. Maico Rescate)

Friday, November 12, 2010

Kristong Hari

Dakilang Kapistahan ng Kristong Hari, 21 Nobyembre, sanggayong C, LUKE 23: 35 - 43

Pag-ibig ang susi ng kaligtasan.  Ang pag-ibig ng Diyos ang bumubuhay sa atin; kaya mahalin natin ang ating kapwa katulad ng pagmamahal niya sa atin. Ang pag-ibig ng Diyos ang mag-uudyok sa ating upang lumabas sa ating komportableng pamumuhay at harapin ang mga pagsubok ng buhay; pag-ibig ang dahilan kung kaya’t lalabas tayo sa ating mga pamilya upang mahalin ang mga mahirap mahalin, lalo na yaong naghihirap at nag-iisa.  Pag-ibig ang sanhi kung kaya’t iaalay natin ang ating oras, talento at kayamanan upang tulungang makatayo muli ang mga kapatid nating nalugmok sa lupa dahil sa kahirapan.

   Sa panahon ngayon na kung kailan ang kahiligan ng tao ay magkimkim at paglingkuran ang kanyang sarili; gunitain natin na may isang hari ginamit ang kanyang kapangyarihan sa kababaang loob, nakiisa sa ating abang kalagayan, at hinarap ang kanyang kamatayan, mahango lamang tayo sa kasalanan.  Ang pag-ibig natin sa Diyos kay Kristo ang magiging panukat sa atin pagdating ng panahon.  (Fr. Lito Jopson)

Kaya mo ba maging tunay na Kristiyano?

Ika-33 linggo ng karaniwang panahon, 14 Nobyembre, sanggayong C, LUKE 21: 5-19

Gaano kadali ang maging Kristiyano sa panahon ngayon?  Alam na natin ang sagot: mahirap, lalo na kung ang mga alalahanin ng mundo ang bumabalot sa ating pang-araw-araw na buhay.

  Ngunit si Kristo ay mas higit pa sa alinmang alalahanin ng buhay.  Siya ang susi ng tunay na buhay.  At habang napapalayo tayo sa Kanya lalo lamang nagkakalat ang ating buhay.  Kaya suriin ang mga sumusunod:  mas aakapin kaya natin ang pagkadalita at kapayakan, dahil alam natin na ang tunay na kayamanan ay nasa langit?  Handa ba tayong linisin ang ating puso at kamtin ang kapayapaan ng Diyos kaysa malunod sa mga pang-araw-araw na alalahanin ng mundo?  At kaya kaya nating ialay ang lahat sa buhay natin alang-alang sa kaharian ng langit, ang sundin ang kalooban ng Diyos, at hanapin ang Kanyang presenya sa ating pang-araw-araw na buhay?

   Kung sisikapin nating gawin ang mga ito, magdiwang tayo, sapagkat sa lakas niya ang lakas natin; sa Kanyang buhay ang ating buhay.  (Fr. Lito Jopson)

Saturday, November 6, 2010

Buhay at puro buhay lamang

Ika-32 linggo ng karaniwang panahon
Cycle C

Di kaya katakataka na kahit kamatayan natin ay may buhay?  Sa atin lamang ito sa panampalatayang Kristiyano.

Eto ang pagninilay:
1. Pag-asa - kung kahit kamatayan natutungo sa buhay, eto ba ang tema ko?  Kahit akala ko ako ang pinapatay ng aking kapwa dahil sa chismis, sa maling pag-aakala, misunderstandings, nasaktan, buhay pa rin ba ang tema ko?
2. Pagmamahal: Ikalawa, tungkol sa buhay, ang tunay na buhay ay kung ako at ang aking kapwa ay buhay, hindi ako lamang.  Kung ako lang ang nais mabuhay, ngunit sa proseso, pinatay ko ang aking kapwa, pinapulis ko siya, siniraan ko siya, maaring naligtas ko ang sarili ko.  Ngunit hindi ako makakawala sa Diyos sa anumang aking ginawa sa aking kapwa.
3.  Pananampalataya:  Ikatlo, maaari ko bang pagkatiwalaan ang Diyos na lahat ng kanyang ginagawa sa akin ay tungo sa buhay, kahit na ito'y sa sakit?  Kung ganon naman pala, maaari rin kaya na ang tema ng aking buhay ay nadulutan ko ng buhay ang aking kapwa?  Tignan ang magulang na akala ng anak ay pinapatay siya dahil sa istrikto siya.  Ngunit sa bandang huli malalaman naman pala niya, kaya nagkaganoon ay upang bigyan siya ng paghubog maging isang matibay na tao, mapagpakumbaba, at matulungin sa mga wala?  Mga kabataan wag nating madaling husgahan ang ating mga magulang.  Hindi porke't strikto ito hindi na ito nagmamahal.
4.  Pag-aalay: Malaman natin na ang buhay ay patungo lahat sa Diyos.  Hindi lamang sa buhay na ito, nakakain ang tao, napaglingkuran, ngunit hinihingi sa atin na ang tunay na buhay ay sa pagbibigay nito sa kapwa.

Saturday, October 2, 2010

Manalangin lagi, huwag manghinawa

Ika-29 linggo ng karaniwang panahon, 17 Okt. 2010, sanggayong C, LUKE 18:1-8

Huwag tayong tumigil sa panalangin. Minsan, alam natin na pinapakinggan ng Diyos ang mga panalangin natin.  Ngunit kadalasan, naiisip din natin na tila  natutulog Siya at hindi sinasagot ang mga dasal natin.
   Nakikinig ba talaga ang Diyos sa atin? Bakit kaya matapos nating ipagdasal ang mga minamahal natin na gumaling, wala pa ring nangyayaring mirakulo; na sana makapasa tayo sa board exam natin ngunit bagsak pa rin.
   Iminumungkahi ni Hesus na tayo’y magdasal gaya ng pagdarasal ng babaeng balo na hindi tumigil sa kanyang pagnanais na makamit ang katarungan dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa. Ibinigay ng hukom ang katarungang hinihingi dahil sa pagpupumilit nito.
   Alam ng Diyos kung ano ang nararapat at mabuti para sa atin. Kaya minsan “ OO” ang tugon Niya sa ating panalangin, minsan naman ay “ Hindi” o hindi pa ngayon.  Ang mahalaga lamang ay nananatili tayong tapat sa kanya. (Fr. Maico Rescate)

Nasaan ang siyam?

Ika-28 linggo ng karaniwang panahon, 10 Oktubre, sanggayong C, LUKE 17:11-19
   “Nasaan ang siyam?”

   Ito ang tanong matapos pagalingin ni Hesus ang sampung ketongin.  Isa lamang ang bumalik upang magpasalamat sa kanya.  Hindi pa ito Hudyo kundi Samaritano.  Marahil, akala ng mga Hudyo na si Kristo’y kababayan nila at hindi na kailangang pasalamatan.

   Sa anumang kabutihang natanggap natin ay dapat lamang magpasalamat, lalo na sa Diyos na pinupunuan tayo ng mabubuting bagay. Kung bibilangin ang mga biyayang natanggap natin walang tayong ibang masasabi kundi pasasalamat sa Diyos at sa mga taong tumulong sa atin.

   “Maraming Salamat Panginoon.    Napa-kabuti Mo sa amin. Dagdagan Mo ang aming pagiging mapagkumbaba upang parati kaming nakatuon sa Iyo, nagpapasalamat sa mga biyayang Iyong walang sawang binibigay sa amin.  Kung kami man po ay hindi nakapagpasalamat, Kayo na po ang bahalang magpuno ng aming kakulangan upang huwag kaming matulad sa siyam na walang pagpapasalamat!” (Fr. Maico Rescate)

Saturday, September 25, 2010

Alipin

Ika-27 linggo ng karaniwang panahon, 3 Okt. 2010, sanggayong C, LUKE 17 : 5 - 10

Alipin, ito’y ba’y kaya nating tanggapin bilang bahagi ng ating pagkatao?
   Si Kristo ang pinakadalikang Alipin ng Ama; dahil sa kanyang pagtalima naligtas ang mundo.  Si Maria naman tinuring ang kanyang sarili bilang “alipin ng Panginoon”.  Sa dalawang ito nakasalalay ang ating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.  Kung kailan pa tinanggap ang pagiging alipin, mas lalo pang lumaya ang tao.
   Masarap maging alipin dahil pinasasaya ng alipin ang kanyang panginoon.  Tayo kaya, pinasasaya ba natin ang Diyos sa ating paglilingkod o tayo ang pinaglilingkuran ng Diyos?
   Tinutupad ng alipin ang kahilingan ng kanyang amo.  Tinutupad ba natin ang dapat nating gampanin sa mundo – ang ituro at ipangalat ang Mabuting Balita ng kaligtasan?  Maging mga mabungang alipin ng Panginoon. (Fr. Lito Jopson)

Gulong ng palad

Ika-26 linggo ng karaniwang panahon, 26 Set., sanggayong C, LUKE 16 : 19 - 31

Photo courtesy of St. Patrick Catholic Church

“Gulong ng palad” ang turing natin sa kapalaran ng buhay, minsang nasa itaas, minsang nasa ibaba.
   Ngunit ang mayamang lalaking napunta sa Hades ay hindi dahil sa gulong ng kanyang palad.  Napunta siya roon sapagkat siya’y sakim.  Nagpakasasa siya sa kanyang kayamanan at hindi tumulong upang magbigay kahit mumong nahuhulog sa hapagkainan.
  Nagdudulot ng kamatayan ang taong gumagawa ng kasalanan.  Habang pinipilit niyang mabuhay lalo siyang namamatay.   Hindi ito kapalaran kundi epekto o bunga ng masamang gawain ng tao.
   Kaya sa lahat ng pagkakataon, gawin natin ang nararapat – ang tunay, ang mabuti, at ang kalugud-lugod sa Diyos.  (Fr. Lito Jopson)

Saturday, August 28, 2010

Maging mapagkumbaba

Ika -22 ng linggo ng karaniwang panahon, sanggayong C, ebanghelyo: Luke 14:1,7-14
Larawan ay sa kagandahang loob ng canonglenn

Nakakapabibigay ang Panginoon ng mga salitang kabalintunaan na may matitinding mensahe ukol sa ating buhay.  Halimbawa, sinabi ng Panginoon, "Kung sino man ang magligtas ng kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit kung sino ang mag-alay ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito."  Ang ikalawa'y nasa ebanghelyo natin ngayon, "Ang nagpapakataas ay ibaba, samantalang ang mga nagpapakababa ay itataas."

Bakit gumagawa ang Panginoon ng ganitong mga pangungusap?  Ang sagot ay sapagkat tunay ang mga ito.  Mas mainam ang puso ng isang mapagpakumbaba kaysa sa isang mapagmalaki.

Sa isang mapagpakumbaba, ang Diyos ang kanyang itinataas.  Katulad ni Pablo nang kanyang sinabi, "Hindi ako ang namumuhay sa akin kundi ang Diyos ang namumuhay sa akin."

Sa isang mapagpakumbaba, ang pinahahalagahan niya ay ang kanyang kapwa, hindi ang kanyang sarili.  Nag-uudyok itong paglingkuran ang kapwa.

Sa isang mapagpakumbaba, ang pagtupad sa kalooban ng Diyos ang kanyang tinatangi.  Inilalaan nito ang kanyang oras, talento, at kayamanan sa gawain ng Diyos at hindi sa kanya.

Tama ang Panginoon, sa mapagkumbaba, maraming tao ang nabubuhay, ngunit sa isang mapagmataas, siya lamang ang napaglilingkuran.  Hindi tatagal ang kanyang buhay.

Saturday, August 14, 2010

Dakilang kapistahan ng pag-akyat ni Maria sa langit

Ika –  15 ng Agosto, Dakilang Kapistahan ng pag-akyat ni Maria sa Langit, sanggayong C, Pagbasa: Lukas 1: 39 - 56

Ang turo ng Simbahan ukol sa pag-akyat ni Maria sa langit, katawan at kaluluwa ay isang ring pagbibigay ng mensahe ukol sa dakilang gampanin ng ating mahal na si Maria na inaakay tayong kanyang mga anak tungo sa Diyos Ama.

Ito ang pinakadahilan kung bakit ang buong Simbahan ay nagdiriwang. Ito ang saysay ng ating buhay – ang maglakbay tungo sa Diyos – at si Maria ang nagpakita ng tamang daan sa pamamagitan ng kanyang buong sarili.

Kaya habang tayo’y naglalakbay dito lupa, nawa’y ang buong buhay nati’y tulad ng awit ni Maria, ang Magnificat, “Ang puso ko’y nagpupuri sa Panginoon!” Una, nawa’y matutunan natin na ang bawat araw ay itinadhana upang makalapit tayo sa Panginoon at siya’y makilala. Ikalawa, ihanay natin ang lahat ng ating pinakaabalahan at gawin natin itong mga instrumento patungo sa Kanya. Ito’y ang ating pinakaabalahan sa gawain at sa pamilya – maging daan nawa sila sa Diyos at hindi hadlang. Ikatlo, bantayan ang paghubog ng puso at pagtalas ng ating paningin – na ang bawat pangyayari’y hakbang upang makita natin ang mukha ng Diyos. Maria, gabayan niyo kami!

Saturday, August 7, 2010

Para kanino ang yaman?

Ika – 8 ng Agosto, Ika-19 Linggo ng karaniwang Panahon, sanggayong C, Pagbasa: Lukas 12: 32 - 48


Sa ebanghelyo, mariing sinabi ni Hesus, “Ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik at magbahagi kayo sa mga kahabag-habag. Gumawa kayo ng mga kalupi na hindi naluluma. Maglagak kayo sa makalangit na kayamanang hindi nauubos.” (Lk. 12: 34)

Ang tunay na kayamanan ay isang buhay na nakatalaga sa Panginoon.  Ang mga kayamanang materyal ay ginagamit upang matupad ang spiritual na kayamanan.  Ang mga kayamanan ay hindi atin upang angkinin kundi upang pamahalain.  “Love people; use money,” hindi kabaligtaran.  Gamitin natin ang yaman upang maganap natin ang pangunahing tungkuling mahalin, sambahin, at paglingkuran ang Diyos.

Kung nakatuon tayo sa pagiging bukaspalad at hindi ganid o makasarili, paglilingkod at hindi pang-aabuso, pagbibigay at hindi pangtanggap lamang – lahat ng tao’y mapaglilingkuran at mabubuhay dito sa lupa hanggang sa langit.  (Fr. Lito Jopson)

Saturday, July 31, 2010

Pagbabahaginan

ika-18 linggo ng karaniwang panahon, sanggayong C
pagbasa: Lukas 12: 13 - 21

Sa simula pa kung papansinin ang ginawa ng magsasaka, mali na kaagad ang kanyang desisyon.  Bakit siya magpapagawa ng masmalaking kamalig at itatambak doon ang ani? Kakainin ba niya lahat yon? E paano kung magkabukbok?  Paano kung huminto na ang tibok ng kanyang puso?

Ngunit tila may pinatatamaan ang Panginoon sa kwentong ito, isang pananaw o orientasyon ng pagkimkim, na bandang huli'y nakamamatay, hindi nakabubuhay.

Sa taong kimkim ng kimkim, hindi ito kuntento sa buhay.  Sa paghangad niyang siya at ang kanyang pamilya'y mabuhay, pinagkakait niya ang kanyang kapwa ng buhay sa katatago nito ng kanyang kayamanan.  Wala siyang oras sa pagtulong sa kapwa.  Wala siyang binibigay na atensyon.  Ang taong ito'y baog. Dinadala niya ang mga tao sa kamatayan kasama niya.


Kaya ano ang kalooban ng Diyos?  Naaalala ko ang simpleng panalangin, "Ama namin."  Sinasabi, "Bigyan mo kami ng makakain sa araw-araw."  Una, kailangan malaman niya na ang pagkain ay hindi nagtatagal.  Kailangan na niyang ibahagi ito sa kanyang kapwa upang hindi mapanis at hindi rin siya magkasakit.  Tinadhana ng Diyos na mamuhay tayo nang sapat sa araw-araw.

Ang tema ng Panginoon ay pagbabahaginan.  May yaman ka, meron ako, meron siya.  Lahat ng meron ay pinagbabahaginan.  Lahat ay nagbibigay at lahat ay tumatanggap.  Ano ang pangangailangan ng tao?  Pera? Ipagbahaginan ito.  Talento?  Ibahagi natin ito.  Oras? Ibahagi natin ito.  Mas magiging masaya ang buhay dahil sa pag-ibig walang nagugutom o naghihirap.


Ikatlo, huwag mo nang ipagpaliban ang pagbabahaginan.  Huwag sabihin, "Sa dulo na lang ako magbabahagi, babawi na lang ako sa dulo."  Ang problema naimbak na.  Kaya tama ang prinsipiyong ikapu.  Alinman na natataggap kong biyaya, ibibigay ko ang ikapu noon.  Makita natin kung paano bababa ang kahirapan sa ating kapwa.

Saturday, July 24, 2010

Sino karapat-dapat sa pagpapala ng Diyos?

Ika-17 linggo ng karaniwang panahon, sanggayong C, pagbasa:  Luke 11:1-13


Sa mga panahon ng ating buhay naramdaman na ba natin ang nag-uumapaw na pagmamahal ng Diyos?  Ibig sabihi'y sumosobra sa lahat ng bagay.  Una, binayaran na ni Kristo ang lahat ng ating pagkaautang natin sa Diyos at pinatawad tayo sa lahat ng kasalanan.  Ikalawa, patuloy niya tayong binibigyan ng biyaya kahit hindi tayo karapat-dapat sa mga ito.  Sino ba tayo para mahalin ng Diyos?

Sana kahit paano, mapukaw sa ating puso na kailanman hindi tayo karapat-dapat sa mga biyaya ng Diyos.  Ang maaari nating gawin ay alagaan at hindi balewalain ang mga biyayang ipinagkakaloob sa atin.  Ikalawa, gamitin na natin ito ng tama para sa ikauunlad ng buhay ng tao.  Kailanman hindi naging atin ang mga yaman na ito.  At ikatlo, nawa'y magamit natin ang mga bagay na ito para sa ikaluluwalhati ng Diyos at mapakilala Siya sa lahat ng tao.  At nawa'y hindi natin ikahihiya ang Diyos sa pagpapatotoo sa kanya sa ibang mga tao.

Friday, July 16, 2010

Sina Marta at Maria

Ika 18 ng Hulyo, ika- 16 linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong C, Pagbasa:  Lk. 10: 38 – 42

Ang kwento ni Marta at ni Maria ay kasunod sa talinhaga ni Hesus tungkol sa Mabuting Samaritano. Ang pagpapakita ng habag sa taong nakahandusay sa daan ay kanyang pagpapakita ng pagmamahal sa taong nangangailangan na walang kinikilingan.
   Si Marta at Maria ay kumakatawan sa dalawang pagpapakita ng habag at pagmamahal.
   Si Maria ay nagpakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng pakikinig sa salita ni Hesus.  Siya ang kumakatawan sa mapanalanging bahagi ng Simbahan.
   Si Marta nama’y abala sa paghahanda sa pangangailangan ni Hesus.  Siya ang kumakatawan sa kawanggawa ng Simbahan sa ngangailangan.
   Sina Marta at Maria ay kumakatawan sa pagmamahal at habag sa sangkatauhan.   Kung baga ang pagmamahal ay di lamang salita kundi sa gawa.  (Fr. Maico Rescate)

Saturday, July 10, 2010

May nahulog sa kanal

 Ika-15 linggo ng karaniwang panahon, 
Sanggayong C
Pagbasa: Luke 10:25-37

Ano ba ang tunay na kapitbahay?  May kwento ng isang taong nahulog sa kanal.  Sabi ng
Usi: Ay, nahulog siya sa kanal!
Uzi: Hihihi, nahulog siya sa kanal.
Realist:  May kanal.
Optimist:  Kaya mo yan.
Pessimist:  Wala nang pag-asa yan.
News reporter:  Ngayong nahulog ka sa kanal, anong nararamdaman mo?
City official:  May permit ka bang mahulog sa kanal?
Mathematician:  Gaano kaya kalalim ang kanal?
Doktor:  Baka maimpeksyon ka sa kanal.
Pari:  May tatlong punto akong ipaliliwanag tungkol sa kanal.
BIR:  Nagbayad ka na ba ng tax para isara ang kanal?
HESUS:  Kunin mo ang aking mga kamay.

Ang ebanghelyo ay self-explanatory:  tulungan natin ang ating kapwa; nalugmok na, tulungan natin siya.  Hindi kailangan ng pormula.  Sabi ni Hesus, "Alinman ang inyong gawin sa pinakamaliit sa inyong kapwa, ginawa rin ninyo sa Akin."

Huwag nating ipagpaliban ang pagtulong sa ating kapwa.  At huwag kung kailan kung malapit na siyang mamatay.  Tulad ng ikapu, maglaan tayo ng ating kita para tulungan ang ating kapwa nang sa gayon maiaangat natin ang kanilang buhay.

Thursday, July 1, 2010

Bakit kaunti ang mga manggagawa ng Panginoon?

Ika-14 linggo ng pangkaraniwang panahon, sanggayong panahon C, Ebanghelyo: Lukas 10: 1-12, 17-20


Ang mga katagang "Puno ang ani" ay nagsasaad na sa pagdating ng panahon, walang-kaduda-kaduda ang pagiging mabunga ng lahat ng pinaghirapan ng Panginoong Hesukristo - ang kaligtasang laan niya para sa atin.
   Ngunit bakit kaunti ang mga manggagawa?  Hindi ba sila naaakit sa dami ng bunga?  Pinakikita ng Ebanghelyong ito ang mga dahilan ng bakit kaunti ang mga manggagawa at kung paano pa ito dadami kasama ng dami ng ani. Ang una'y masyadong nalulong na ang tao sa mga alalahanin ng mundo at hindi ang kaligtasan ng Diyos.
    Ikalawa, hindi siya tumutulong sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa mundo.  Hindi mapayapa ang mundo dahil ang tao'y hirap, gutom, walang trabaho, may sakit, at biktima ng inhustisya.  Kung hindi lang gahaman ang tao sa kanyang sarili, mas may panahon siyang tumulong sa kanyang kapwa sa pagbibigay ng pagkain, trabaho, at buhay.
   Ikatlo, hindi kaharian ang Diyos ang ipinamamalas niya sa kanyang kapwa't mga anak.  Wala siyang oras sa pagiging aktibo sa Simbahan na sana aktibong instrumento ng pagbabago sa daigdig at daan tungo sa pagbubuo ng kaharian ng Diyos dito sa lupa.  May ani ang Panginoon, ngunit hindi tayo kasama bilang kanyang mga manggagawa.
   Isipin natin ang kaligtasan ng tao sa simula pa; magdulot tayo ng tatagal na kapayapaan sa mundo, at aktibo tayong lumahok upang mamalas ang kaharian ng Diyos.  Dadami ang mga manggagawa kalakip ng ani ng Panginoon.

Thursday, June 24, 2010

Sundan si Kristo

ika-13 linggo ng Pangkaraniwang panahon, sanggayong C, Ebanghelyo: Lukas 9: 51 - 62

Walang ibang makapagbibigay ng kasiyahan maliban sa isang buhay na nakatalagang sumunod sa kalooban ng Diyos.

Maihahambing natin buhay natin sa isang higad mahilig kumain ng mga dahon at nakapipinsala sa mga pananim; ngunit kung buuin na nito ang kayang bahay ay nagsisimula na siyang maging isang magandang paru-paro.  Kung ang hahangarin lamang natin ay ang kasiyahan natin, maaaring hindi na natin matatagpuan ang ating sarili.  Ngunit kung papasukin natin ang proseso ng pagkamatay ng ating sarili at pagsunod kay Kristo, tiyak na matatagpuan natin ang ating mga sarili at ang tunay nating kaligayahan.

Kung sundin natin ang ating sariling hilig, malamang hindi tayo mamumunga tulad ng bayang Samaritano na ayaw papasukin si Kristo.  Ngunit kung susundan natin si Kristo, makakamit natin ang tunay na buhay.  Nawa'y mapasaimbabaw natin ang mga balakid buhay tungo sa tunay nating pagsunod kay Kristo: (1) Ang paghangad ng sariling kapakanan lamang; (2)  Ang pagkiling sa makamundong hangarin na nagdudulot ng kamatayan o huwad na buhay; at (3) ang pag-angkin ng pamilya bilang pag-aari natin at hindi nanggaling sa Diyos.

Sa lahat ng mga ito, hindi karapat-dapat ang tao sa kaharian ng langit.  Ngunit kung sino man ang nagpahalaga sa ikabubuti ng kapwa, ang pagkiling sa makalangit na hangarin at pag-alay ng buhay buhay at pamilya sa Diyos ay magdudulot ng buhay sa iba at magbibigay ng kaligayahan sa Diyos.

Friday, June 11, 2010

Pananampalataya at Pag-ibig

Ika-20 ng Hunyo, 2010,  ika-12 Linggo ng Karaniwang Panahon, sanggayong panahon C, Pagbasa: LUKE 9 : 18 - 24

Nalaman natin sa mga alagad sa pamamagitan ni San Pedro kung sino si Jesus.  Siya ang Kristo ng Diyos.  Mahalaga ito sapagkat ang pagkakilala ni Jesus ay siyang daan tungo sa matatag na pananampalataya.
   Ngunit ang pananampalataya ay kailangang bigyang  buhay ng pag-ibig at ito’y nangyayari sa pagsunod sa kanyang mga utos.  Sa pagsunod nito’y ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos.
   Paglimot sa sarili ang unang hakbang tungo sa pagmamahal sa kanya.  Subalit dito pa lang ay marami nang sagabal.  Sa lahat na may pananampalataya na laging sumusunod sa kalooban ng Diyos, naryan ang mga tulong-spiritual na magbibigay-lakas upang maging matatag ang katapatan natin sa Panginoon.
   Kahit ang mga pang-araw-araw na mga pasanin sa buhay na animo’y mga mabibigat na krus ay nagiging magaan at tuluyang naghahatid ng kasiyahan dahil sa biyayang naghihintay, ang buhay na walang hanggan sa kaharian ng Diyos.  (Fr. Dingdong Penolio)

Pag-ibig at pagpapatawad

Ika-13 ng Hunyo, 2010, ika-11 Linggo ng Pangkaraniwang panahon, sanggayong panahon C, Ebanghelyo: LUKE 7 : 36 - 8 : 3

Di ba ang pagpapatawad ay gawain ng isang nagmamahal?  Sa isang pinapatawad, kapag ito’y isang malaking pagkakasala ay nagdudulot ng kaukulang pagtanaw ng utang na loob.  Kaya naman, sa mga umiibig nang tapat at sila’y nagsisisi, naroon ang pagbabago.
   Magkasama lagi ang pag-ibig at pagpapatawad sa buhay ng isang Kristiyano.  Kailangan natin ang mapagpatawad na pag-ibig ng Diyos upang maihango tayo sa kaalipinan ng kasalanan.  Totoo, kinalulugdan ng Diyos ang mga makasalanang nagsisi at pinapatawad sila.
   Dahil dito’y nadarama natin ang ating kahalagahan bilang mga anak ng Diyos.  Halina, tayo’y magsisi tulad ng makasalanang babae na nagsisi at tumanggap ng pagpapatawad, na siyang dahilan upang siya’y magmahal nang labis.   (Fr. Dingdong Penolio)

Tuesday, May 18, 2010

Katawan ng Buhay

Dakilang kapistahan ng Corpus Christi, ika - 6 ng Hunyo, 2010, Sanggayong C; Ebanghelyo: Lukas 9: 11 - 17

Ang misa: pinakamataas na antas ng buhay Kristiyano; pinakamataas na uri ng pagsamba; ang pinakalarawan ng langit na ating inaasam. Sa misa tinatanggap natin ang katawan at dugo ni Kristo.
Sa pagatanggap natin ng Komunyon, tayo ay nagiging kalarawan Niya, isang “Alter Christus” para sa ating kapwa. Kung gaano natin tinatanggap ang katawan at dugo ni Kristo, ganoon din ang inaasahan sa ating ipakita Siya sa ating mga gawa at buhay.
Nakikiisa tayo sa katawan ni Kristo kung sinusumite natin ang ating mahinang kalikasan sa Kanyang muling nabuhay na katawan. Pinalalakas Niya tayo sa gitna ng mga balakid sa buhay at nagiging instrumento tayo sa pagdadala ng Kanyang Mabuting Balita sa kapwa. Nakikiisa tayo sa dugo ni Kristo sa pag-aalay natin ng ating buong buhay. Kung paanong si Kristo ay nag-alay ng buhay sa krus, ganoon din ang inaasahan sa atin sa ikabubuhay ng ating kapwa na maging instrumento ng kaligtasan sa daigdig. (Fr. Lito Jopson)

Tatlo ngunit Iisa

Para sa dakilang kapistahan ng Banal na Isantatlo, ika-30 ng Mayo, 2010, sanggayong panahon C, Pagbasa: John 16:12-15

Ipinagdiriwang natin ang Iisang Diyos, sa tatlong Persona bilang Ama, Anak, at Espiritu Santo. Nagmula itong ating     pagiging Kristiyano sa paniniwala ng mga Israelita sa iisang Diyos na isa lamang ang Diyos na dapat mahalin at sambahin at nakikipag-ugnayan sa atin.
   Siya ay isa ngunit hindi nag-iisa. Siya ang Diyos Ama na lumikha sa sanlibutan at sa lalaki’t babaeng Kanyang pinakadalikang nilikha.
   Noong nagkasala ang sanlibutan, pinadala ng Ama ang Kanyang Anak sa katauhan ng Panginoong Hesukristo na taga-Nazareth, upang iligtas ang tao sa kasalanan at upang ibalik ang magandang ugnayan ng Diyos at tao.
   Pagkatapos na panumbalikin ang magandang ugnayan ng Diyos at ng tao sa pamamagitan ng pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesus, siya ngayon ay umakyat sa Langit upang kamtin ang    kaluwalhatiang nakalaan para sa Kanya.
   Ngunit bago Siya umakyat sa langit ipinangako Niyang ipadadala ang Banal na Espiritu na ngayon ay patnubay at gabay ng mga tao.
   Kaya nakilala natin ang Diyos na iisa sa pamamagitan ng pagiging Ama, Anak at Espiritu Santo.  (Fr. Maico Rescate)

Ang Patnubay

Ika-23 ng Mayo, 2010, Linggo ng Pentekostes, sanggayong panahon C, Ebanghelyo: John 14:15-16, 23b-26

Pumasok si Hesus kahit nakasara ang pinto ng kuwarto na pinagtataguan ng mga alagad sapagkat natatakot sila sa mga Hudyo na tumutugis sa kanila.   Ipinagkaloob  Niya ang Banal na Espiritu, ang “unang bunga” ng Kanyang pagpapasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay.  Ipinagkaloob Niya ang Espiritu upang gisingin ang kanilang pananampalataya ng Muling Pagkabuhay upang sa ganon ay ipagpatuloy nilang dalhin ang Mabuting Balita ni Hesus sa buong mundo.
   Nagpakita si Hesus sa Kanyang mga alagad upang simulan ang pagsugo sa Kanyang mga alagad na ipagpatuloy nila ang sinimulan niya. “Kung paanong sinugo ako ng Ama, gayon din naman sinusugo ko kayo” (Jn 20:21). 
   Ito ang gawain para sa kaligtasan ng tanan: ang kapangyarihang magpatawad ng kasalanan ay pagsasakatuparan ng pagpapakasakit ni Hesus para sa sangkatauhan. Ang kapangyarihang ito ay nagmumula bilang regalo ng Banal na Espiritu na bunga ng pananampalataya sa Muling Pagkabuhay, ang bukal ng bagong buhay at kaligtasan.  (Fr. Maico Rescate)

Humayo't magpahayag

Para sa dakilang kapistahan ng Pag-akyat ni Kristo sa langit, ika-16 ng Mayo, 2010, sanggayong panahon C, Pagbasa: Lukas 24 : 46 - 53

Sa araw na ito, ginugunita natin ang pag-akyat ni Kristo sa langit habang binibigay niya ang habilin sa kanyang mga disipulo na “ipangaral ang Mabuting Balita, bautismuhan sila sa ngalan ng Ama, Anak, at ng Espiritu Santo.”
   Sa bawat pagtapos ng misa, sana naririnig natin ang mga pananalitang ito,  “Humayo tayo’t ipangaral ang Mabuting Balitang magdudulot ng kaligtasan sa tao.”  Ngunit ilan ba talaga sa atin ang gumagawa ng gayon?  Una, kailangan natin ang mahigpit na pagkakakilala kay Kristo na ating pinaglilingkuran.
   Ikalawa magmasid kung paanong naging sugatan ang mundo dahil na rin sa sobrang kasakiman at kasalan.  At Ikatlo, isabuhay ang atas ng Panginoon sa pamamagitan ng pagbibigay-pag-asa at maging instrumento ng pag-asa sa iba.  Doon matatanto natin na ang Panginoo’y nananatili sa atin. (Fr. Lito Jopson)

Saturday, May 1, 2010

Huling habilin


Ika-6 linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, sanggayong C,
Ebanghelyo: John 13:31-33,34-35


Sa ating pagtatapos ng Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, gunitain natin ang Panginoong nagbibigay  ng kanyang huling pamamaalam sa mga apostol.  Tigib sa damdamin, nawa'y baunin natin ang mga mensaheng ito na batayan ng ating muling pagkabuhay.

Sumusunod sa kalooban ng Diyos - malaki ba ang naging impluwensya ng mga turo ni Kristo sa ating buhay?  Huwag nating kalilimutan ang kanyang mga mensahe at gabay ang mga ito sa tamang pamumuhay.

Paglukob ng Espiritu Santo - hindi tayo iiwang mga ampon na naghahanap ng gagabay sa atin.  Ang Espiritu ay buhay at liwanag sa ating mga puso.  Hindi tayo kailanman maaaring maligaw.

Mga gawang pang-kapayapaan - ang epekto ng ating mga pinaghirapan alang-alang sa Panginoon ay kapayaan at buhay sanhi ng tamang pamumuhay at pagsunod ng tao sa kanyang kalooban.  Suriin natin kung nagbubunga ng tunay na kapayaan ang alinmang pinasok natin sa buhay na ito.  Magpasalamat sa Panginoon sa biyayang kanyang pinagkakaloob.

Tuesday, April 13, 2010

Pakanin mo ang aking kawan

Ikatlong linggo ng Pasko ng Muling Pagkabuhay, sanggayong C
Ebanghelyo: John 21:1-19

Paghuhuli ng isda ... larawan ito ng pamamalakaya ng tao para sa Panginoon.  Sa pamamagitan ng larawang ito, natatanaw natin ang bagong orientasyon ng pagiging Kristiyanong komunidad na kung saan nag-uumapaw ang bunga ng mga nanampalataya kay Kristo.

Minamahal mo ba ako ... ang diwa ng ating pananampalataya ay hindi batay sa kung ilang panalangin ang tinutupad ng Panginoon.  Iisa lamang ang pamantayan ng tunay na pananampalataya - ang ganap na pag-ibig kay Kristo.  Ito rin ang batayan ng tunay na paglilingkod sa kanya na siyang unang nagmahal sa atin.  Ito ang diwa ng pagiging tunay na disipulo - sa pagmamahal kay Kristo.

Pakanin mo ang aking mga tupa ... Pormal na larawan ng Simbahan ang pagiging Kawan na kinapupunuan ng mga tupang nakikinig sa tinig ng Mabuting Pastol at nabubuhay para sa Kanya lamang.  Dito rin makikita ang atas na binigay sa atin ng Panginoon na alagaan natin ang Kanyang Kawan sa pamamagitan ng paglilingkod natin sa isa't isa.

Tuesday, April 6, 2010

Manalig ka!

Ikalawang linggo ng Muling Pagkabuhay, sanggayong C
Ebanghelyo: Juan 20: 19-31

Ang kwento ng pagdududa ni Tomas ay isinalaysay ni Juan upang turuan si Tomas ng leksyon ukol sa pananampalataya.   Ngunit ang mas pinatutuunan ng ebanghelyong ito ay para sa atin na hindi nakita ang Panginoon sa panahong ito.  Sinabi ni Hesus, "Tomas, sumampalataya ka dahil nakita mo ako. Pinagpala sila na hindi nakakita ngunit sumampalataya." (Juan 20:29) Tayo ang kinakausap ni Kristo.

Nais ni Kristo ang halimbawa ni Pedro na may paninindigang hindi natitinag: "Kinakailangan naming sundin ang Diyos kaysa ang mga tao." (Gawa 5:29).  Saan niya nakuha ang paninindigang ito?  Sa masidhing pakikipag-ugnayan kay Kristo mula noong kasama niya si Kristo hanggang sa pagtanggap niya ng Espiritu Santo.  Walang kamatayan ang pag-ibig ni Pedro kay Kristo.  Ito rin ang nais ng Panginoon sa atin.

Hilingin natin na maging matibay ang ating pananampalataya araw-araw.  Baunin natin ang sinasabi ng kawikaang ito:  Nakikita ng pagdududa ang mga hadlang; natatagpuan ng pananampalataya ang daan patungo sa Kanya; nakikita ng pagdududa ang dilim ng gabi; ang pananampalataya, ang liwanag ng araw; kinatatakutan ng pagdududa ang bawat hakbang; ang pananampalataya, naglalakbay nang masaya't malaya; parating tinatanong ng pagdududa, "Sino ang nananalig?"; sinasambit ng pananampalataya, "Ako po."

Thursday, March 18, 2010

Aleluya!

Linggo ng Muling Pagkabuhay, sanggayong panahon C, Pagbasa: Lk 24: 13-35

Tayo ay mga anak at bunga ng muling pagkabuhay ni Kristo. Ngunit paano natin mailalarawan na tayo nga'y muling nabuhay kay Kristo?

Mahirap maituring na tayo'y muling nabuhay kung napakalayo natin sa Kanya. Ang banal na salita ng Diyos na pinagninilayan natin sa misa at sa bibliarasal na ginagawa ng mga magkakapitbahayan ang mga pinakamainam na pamamaraan upang siguraduhing araw-araw tayo ay natututong mamuhay sa piling ng Diyos.

Ang mga sakramento ni Kristo lalo na ang Eukaristya ay isa pa ring buhay na tanda ng muling pagkabuhay ni Kristo. Ang ating pagsasalu-salo sa iisang hapag ay nagpapahiwatig na tayo'y nakikiisa sa buhay ng Diyos sa pamamagitan ng pagmamahalan natin at patuloy na pakikipag-ugnayan natin sa Diyos bilang isang Simbahang Katoliko.

Ikatlo, ang tunay na bunga ng muling pagkabuhay ay ang ating pag-alay ng ating sarili sa ikabubuhay ng ating kapwa lalo na ang mga naghihirap. Sa pamamagitan ng ating paglilingkod at pagmamahal nasisilayan natin na hindi lamang may pagkain ang ating mga kapatid kundi buhay rin ang kanilang kaluluwa sa moral na pamamaraan.

Aleluya! Ang Panginoon ay muling nabuhay!

Bunga ng paghihirap ni Kristo

Ika-28 ng Marso, Linggo ng Palaspas, sanggayong panahon C, Ebanghelyo: LUKE 22 : 14 -- 23 : 56

Nag-uumapaw ang bunga ng paghihirap ni Kristo sa pangkalahatang pagbabago ng sanlibutan mula sa mundo ng pagkamakasarili tungo sa mundo ng pagbubukaspalad.

Una, tinuturuan tayo ni Kristo na magpakasakit alang-alang sa ating kapwa. Ang kapwang tinutukoy natin ay ang mga naghihirap, mga hindi natin pinapansin hanggang sa ating mga kaaway. Nagsakripisyo si Kristo upang magawaran ng buhay hindi kamatayan ang lahat ng tao.

Ikalawa, ginawa ni Kristo ang pagliligtas sa mapayapang pamamaraan. Kahinahunan, kapayapaan - ito ay tanda ng kalakasan ng Panginoon, hindi karahasan at pagpaparusa.

Ikatlo, tinuruan tayo ng Panginoon ang direktang daan patungo sa Diyos Ama. Sa pamamagitan niya, nasisilayan natin ang mukha ng Ama - puro, ganap at wagas na pagmamahal sa atin. Nawa'y tumugon tayo na pahalagahan natin ang Diyos nang higit sa lahat at lubos Siyang pasalamatan sa pagliligtas na ginawa ng Kanyang Anak alang-alang sa atin.

Friday, February 5, 2010

Mga pagsubok ng ating buhay

Unang linggo ng Kuwaresma, sanggayong panahon C
Ebanghelyo: Lk. 4: 1-13

Tatlong pagsubok ang ginamit ng diyablo kay Hesus, ngunit sa bawat pagsubok, mas sumisidhi rin ang paninindigan ng Panginoon. Ang mga pagsubok na ito ay ang mga sumusunod:

Pagiging tinapay ng bato ... nais ng diyablo na hindi ni Hesus pagkatiwalaan ang Ama, bagkus manalig sa kanyang sariling kapangyarihan; kung kayat sinabi ni Hesus, "Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao kundi sa Salitang nagmumula sa bibig ng Diyos." Lubos o nawalan na ba tayo ng pagtitiwala sa Diyos?

Pabibigay ng kalwalhatian ng mundo
... ang bundok ay sagisag ng tahanan ng Diyos kung saan ang tao ay nakikipagtagpo sa kanya. Ang walang pakundangang pagnanasa sa ambisyon o kapangyarihan ang pumapatay sa diwa ng tao. Tandaan, Diyos lamang ang ating sasambahin.

Pagtalon sa taluktok ng templo
... pagsasampantaha na ililigtas kaagad ng Diyos na animo'y hinahamon ang Kanyang kapangyarihan ay maling pananaw ng pananampalataya, lalo na kung ilalagay ng tao ang kanyang sarili sa kapahamakan. Kaya, ang tugon ni Kristo, "Huwag mong hahamakin ang Panginoon mong Diyos."

Sa lahat ng ito nagwagi ang Panginoon. Nawa'y mapagwagian din natin ang mga pagsubok sa ating buhay.

Thursday, February 4, 2010

Mapalad ang mga dukha

Ika-6 na linggo ng karaniwang panahon, sanggayong panahon C Pagbasa: Lk. 6: 17, 20-26

Pinagpala kayong mga mapagpakumbaba sapagkat sa inyo ang paghahari ng Diyos ... bakit sa mapagkumbaba at dukha ang paghahari ng Diyos at hindi sa mayayaman? Ang mga mapagkumbaba, ang dukha, mga pinagkaitan ng hustisya ay mga larawan ng pagiging salat ng isang sistema. Dumating si Kristo upang ituwid ang mga ito at magkaroon ng bagong daigdig. Ang mga nagpakasasa na sa kapangyarihan at kayamanan habang nananatili ang mga dukha't api sa kanilang kinalalagyan ay mananagot sa paghahari ng Diyos.

Si Kristo ang batayan ng bagong pamumuhay. Pinakita niya ito sa kanyang pagiging dukha at alipin. Ngunit sa bagong daigdig ng Panginoon ang lahat ay hinahandugan ng buhay.

Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso sa kagalakan ... magalak dahil malaki ang gantimpala ng mga nananalig sa Diyos sa kaharian ng langit. Ang mga pinaghirapan ng mga taong nagsasakripisyo alang-alang sa katarungan at pagmamahal ay gagantimpalaan ng Panginoon. Magbubunga ng pagpapala ang paglilingkod natin sa Panginoon.

Monday, February 1, 2010

Salita ng Diyos, salita ng tao

Ika-5 na linggo ng karaniwang panahon, sanggayong panahon C
Ebanghelyo: Lukas 5: 1-11
Larawan ay sa kagandahang loob ng truthbook

Nagkatipun-tipon ang mga tao upang makinig sa Salita ng Diyos
... Simula sa pagbubunyag ng Salita ng Diyos sa lumang tipan, si Kristo na ngayon ang nagpapaliwanag. Ngunit hindi lamang sa sa bibig ni Kristo ang Salita ng Diyos kundi sa Kanyang buong buhay, pagkatao't pagka-Diyos bilang "Salitang nagkatawang-tao". Sumusunod ba tayo sa kalooban ni Kristo araw-araw?

Guro, magdamag kaming nagpagal at wala kaming nahuli ... ang salita ng tao ang kadalasang hadlang sa Salita ng Diyos, limitado, nanghuhusga, nagkukubli, pumapatay. Bantayan natin kung saan tayo dinadala ng ating salita. Isang taong magpagnilay na kahit alam niya ang kanyang limitasyon, tutugon pa rin siyang tulad ni Pedro, "Sa iyong salita, ihuhulog ko ang lambat." Nabigyan na ba natin ang Panginoon ng pagkakataong mamuno ang kanyang Salita?

Mula ngayon, mamamalakaya ka na ng tao ... Ito ang solemneng pagpapahayag ni Kristo ng misyon ni Pedro at maaari rin sa ating lahat na sumusunod sa Kanyang kalooban. Kung sino ang natatagpuan ang Diyos ay natatagpuan ang kanyang tunay na sarili at ang kanyang saysay sa mundong ito. Nawa'y magampanan natin ang ating misyon na iniatang sa atin ng Panginoon sa tulong lamang ng Kanyang grasya at hindi sa ating lakas.

Friday, January 15, 2010

Ang kapangyarihan ng Diyos

Ikaapat ng linggo ng karaniwang panahon,
sanggayong panahon C,
Ebanghelyo: Lk. 4: 21-30


Gaano tayo bilib sa Diyos? Alam ba natin ang tunay Niyang kapangyarihan? Kung alam lamang natin ang tunay na kapangyarihan ng Diyos, sana'y noon pa tayo mas nakikinig sa Kanya at tumatalima sa Kanya. Wala sa kalingkingan ng Diyos ang pinakaaabalahan natin sa ating buhay.

Ang kapangyarihan ng Diyos ay nagbibigay ng kaayusan sa daigdig. Siya rin ang nagtutuwid ng ating buhay. Patuloy ang kanyang paglilikha kung kaya't nagiging maayos ang ating buhay.

Ang kapangyarihan ng Diyos ay puno ng pag-ibig. Kailanman hindi ito sakim ni ganid, tulad ng paggamit natin ng ating kapangyarihan. Binubuksan ng Panginoon ang ating mga puso upang maging instrumento tayo sa pagtulong sa ating kapwa, lalo na ng mga naghihirap.

Ang kapangyarihan ng Diyos ay nakapagliligtas. Ginagamit ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan upang makaabot tayo sa ating tunay na patutunguhan - kaligtasan sa langit. Nawa'y huwag nating maliitin ang kapangyarihan ng Diyos tulad ng mga ginawa ng mga Israelita kay Kristo. Sa ating buhay, ipakita natin sa lahat na tayo'y lingkod ng Panginoon at instrumento ng kaligtasan sa daigdig.

Salita ng Diyos


Ikatlong linggo ng karaniwang panahon sanggayong panahon C Ebanghelyo: LK. 1:1-4; 4: 14-21
Ang larawan ay sa kagandahang loob ng Crossroads Initiative

Ngayong tinagurian ang linggong ito bilang "Pambansang Linggo ng Biblya", nararapat lamang na pagnilayan natin ang kahalagahan ng Salita ng Diyos sa ating buhay.

Una, ang Salita ng Diyos ay siyang makapangyarihan. Matutupad ang Salita ng Diyos sapagkat ayon kay Juan, "Ang Salita ay Diyos." Natutupad ito sa buhay natin kung kaya't tayo'y naliligtas.

Ikalawa, ang Salita ng Diyos ay nagkatawang-tao. Si Kristo mismo ang batayan ng tuwid na pamumuhay sapagkat isinabuhay niya ang Salita ng Kanyang Ama at pinatupad ito. Nawa'y magkatawang-tao rin ang banal na Salita sa pamamagitan natin.

Ikatlo, ang Salita ng Diyos ay nagdudulot ng kalayaan at kaligtasan. Ang dulot nito'y pagpapahayag ng mabuting balita sa mga dukha, kalayaan sa mga bihag, paningin sa mga bulag, pag-asa sa mga nabibigatan, at pagpapahayag ng taon ng kalayaan ng Panginoon. Kung alam lamang natin ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa ating buhay, sana'y noon pa natin ito pinakinggan at sinabuhay.

Tuesday, January 12, 2010

Santo Nino, simbolo ng kababaang loob

Kapistahan ng Santo Nino
Ebanghelyo: LUKAS 2, 41 - 52

siglo C

Sa dakilang kapistahan ng Santo Nino, pinaalahanan tayong palalalimin ang ating pananampalataya upang hindi magmistulang anting-anting ang Santo Nino; bagkus, taglayin natin ang diwa ng batang si Kristo at isabuhay ang mensahe ng kapistahang ito sa Pilipinas.

Una, ang pagiging bata ni Hesus ay tungkol sa kababaang loob at sa pagtalima sa kalooban ng Ama. Ito'y alang-alang sa atin na nais niyang hilumin ang ating kaugnayan sa Diyos Ama. Hindi ito batay sa kapangyarihan o kayamanan kundi sa kawalan ng lakas tulad ng isang bata.

Ikalawa, ang pagiging sanggol ni Kristo ay nagpapamalas ng kaluwalhatian ng Diyos. Tulad ni San Pablo, "Pinagmamalaki ko ang aking kahinaan". Ang Diyos ang kanyang tanging lakas. Kahit gaano pa ang ating kayamanan sa mundo, wala ito kung ikukumpara sa Diyos bilang ating tunay na yaman.

Ikatlo, tulad ni Hesus na lumaki na taglay ang karunungan, pangagatawan, at pagbibigay lugod sa Diyos, sikapin natin na palalimin ang ating pananampalataya at dalhin ang ating kapwa sa liwanag, katotohanan, at buhay. Ang pagkabata ni Kristo ay hindi hiwalay sa kanyang krus sa kanyang paglaki. Nawa'y matagpuan din natin ang paglalamin ng ating pananampalataya sa pag-alay ng ating buhay sa Diyos at sa kapwa.

Tuesday, January 5, 2010

Handa ba tayo sa bagong daigdig?

Dakilang kapistahan ng pagbibinyag ng Panginoon
Siglo C
Pagbasa: Lk. 3: 15-16, 20-21

15Ang mga tao ay umaasa sa pagdating ng Mesiyas ... may hangarin ang bawat tao sa Mesiyas kahit napagkamalan nila si Juan Bautista. Hinahanap ba natin si Kristo sa kaibuturan ng ating mga puso?

16Si Juan ay sumagot sa kanilang lahat: Babawtismuhan niya kayo ng Banal na Espiritu at ng apoy" ... Ang darating na Mesiyas ay makapangyarihan sa lahat. Sa Kanya magbabago ang mukha ng sangkalupaan. Babawtismuhan niya tayo sa Banal na Espiritu (sa kabanalan) at apoy (sa init ng buhay at pagbabago). Gaano natin kakilala si Kristo sa kanyang kapangyarihan?

21Nangyari, na ang lahat ng mga tao ay nabawtismuhan. Nang si Jesus ay nabawtismuhan at nananalangin, ang langit ay nabuksan ... nag-ugnay muli ang langit at lupa. Inulanan muli ng langit ang lupa ng biyaya dahil sa pagtalima ni Hesus sa kanyang Ama. Ang pagtalimang ito'y maaari rin nating isabuhay.

22Ang Banal na Espiritu ay bumaba sa kaniya na may anyong tulad ng kalapati ... Simbolo ng biyaya na galing sa langit ang kalapati, ibig sabihin tumimo sa puso ng dakilang Diyos ang ginawa ng kanyang Anak. Maaari pa ring magpanumbalik ang biyaya sa sangkalupaan sa pag-ibig na nasa puso ng bawat tao, sanhi ng kanilang pananalig sa Diyos at hindi makasariling pagtulong sa tao.

Pagninilay: Handa ba nating maranasan ang buhay at pagpapalang tulad nito? Bilang mga binyagang tulad ni Kristo, alam ba natin ang dapat nating gawin sa mundong ito upang umapaw muli ang pagbibiyaya ng Diyos? Sa paanong paraan?